Lacson sinisi si Duque sa naudlot na Pfizer deal: ‘Ilang buhay sana ang maililigtas kung may bakuna na agad?’

Imahe mula sa MSN/Tribune
  • Sinisi ni Lacson si Duque sa naunsyaming Pfizer vaccine deal
  • Naging pabaya umano ang kalihim ng DOH
  • Ani Lacson, ilang buhay pa sana ang maliligtas kung may bakuna na agad sa Enero

Tahasang sinisi ni Senador Panfilo Lacson ang diumano’y kapabayaan ni Health Secretary Francisco Duque na siyang naging dahilan kung bakit hindi natuloy ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Pfizer para makabili ng bakuna nang mas maaga.

Kung noong mga unang pahayag ni Lacson ay hindi pa niya sinasabi kung sino ang tinutukoy ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin sa tweet na ‘somebody dropped the ball’, kinalaunan ay binanggit na rin ng senador ang pangalan ni Duque.

Imahe mula sa PNA

Base umano ito sa kanilang pag-uusap ni Ambassador Jose Manuel “Babe” Romualdez sa telepono Miyerkules ng umaga.

Paglalahad ng mambabatas, Hulyo pa lamang ay nakikipag-usap na noon sina Locsin at Romualdez kay US Secretary of State Mike Pompeo para sa pagbili ng Pfizer vaccine subalit naging pabaya umano ang kalihim ng DOH.

“Thus, they could have secured the delivery of 10 million Pfizer vaccines as early as January next year, way ahead of Singapore but for the indifference of Secretary Duque who failed to work on the necessary documentary requirement, namely, the confidentiality disclosure agreement (CDA) as he should have done,” ayon sa pahayag ni Lacson.

Screenshot mula sa Twitter

Umabot pa raw sa punto na mismong ang representative na ng Pfizer ang nagpa-follow up sa nabanggit na dokumento.

Tiniyak rin umano noon ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na maglalaan agad ng pondo rito subalit nauwi rin sa wala ang lahat.

“As we now know, Singapore has the vaccines and we don’t,” wika pa ni Lacson.

Ilang buhay pa sana ang maliligtas?

Nauna nang nilinaw ni Duque na walang ‘dropping the ball’ na nangyari sa Pfizer deal. Giit ng kalihim tuloy pa rin naman ang negosasyon sa Pfizer at sa katunayan ay nilagdaan na ni vaccination czar Carlito Galvez ang CDA noong Nobyembre.

Screenshot mula sa RTVM video

Subalit ayon kay Lacson, base na rin sa sinabi ni Romualdez, ito ay “renewed initiative” na lamang “after they missed the bus the first time.”

Nanghihinayang ang senador dahil ilang buhay pa sana ang maliligtas kung natuloy ang deal nang mas maaga.

“The more important question is, how many lives would be saved between January and when (if at all) the vaccines may be made available again to Filipinos,” wika ni Lacson.

Loading…