Lalaki nagkautang sa isawan dahil sa kaniyang alagang aso

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang matalinong aspin 
  • Nagtutungo umano ito sa isang malapit na isawan o barbekyuhan at hindi umaalis hangga’t hindi binibigyan
  • Ang siste, nagkakautang tuloy ang kaniyang amo; dalawang taon na umano itong ginagawa ng aso

“Nagkautang” ang isang lalaki sa isang isawan o barbekyuhan dahil sa kaniyang alagang aso, dahil sa pagtungo nito sa naturang bilihan ng mga inihaw na streetfood tuwing hapon.

Ayon sa salaysay ng fur parent na si Dante Jimenez sa kaniyang Facebook post sa FB group na “Aspin Lovers Philippines,” kapag nakalabas ng kanilang bahay ang alagang si Blu, didiretso na ito sa isawan. Kilala na ito ng may-ari, kaya bibigyan na ito ng isaw at barbecue. Kukuhanan ito ng larawan, at ipadadala kina Jimenez.

Imahe mula sa Facebook account ni Dante Jimenez

“Iyan alaga namin si Blu, kapag nakalabas ng bahay, diretso sa ihaw-ihaw, mangungutang ng barbeque, hindi aalis kapag hindi binigyan, pipicturan ng nag-iihaw at ise-send sa amin. Hayun lagi kaming may utang 20 pesos na barbeque,” salaysay ni Dante.

Dalawang taon na raw itong ginagawa ni Blu, kaya kilalang-kilala na siya ng may-ari ng isawan. Sapantaha nila, nagkaroon ito ng ideya nang minsang sumama ito sa kaniyang misis noon, sa pagbili nito ng barbecue. Dito nila napatunayang matalino talaga ang mga aso.

“Minsan po ‘di napansin ng misis ko na sumama sa kaniya (si Blu) na bumili ng barbeque, tapos binigyan niya, ayon hanggang sa natutunan na niya pumunta sa ihaw-ihaw. Kaya ginagawa ng nag-iihaw, pipicturan siya tapos i-sesend sa amin kasi ayaw umalis kaya sabi namin, sige ihawan ninyo na lang at babayaran na lang namin, aba’y nasanay na po.”

Imahe mula sa Facebook account ni Dante Jimenez

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Madiskarte! Ang talino ng aso, hindi iyan magugutuman kasi magaling siyang humanap nang paraan kung paano makakakain,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yung ‘di ka lalabas ng bahay para ‘di gumastos, pero yung alaga mo has other plans. Galing! Kaya lang, mababaon sa utang ang amo mo hahaha.”

“Upgraded na ang mga nangungutang ngayon hahaha,” pabirong sabi naman ng isa.

Hinay-hinay lang Blu, baka nga naman mabaon sa utang ang mga fur parents mo! Good vibes!

Loading…