Lead, nickel natagpuan sa blood sample ng mga pasyenteng dinapuan ng ‘misteryosong sakit’ sa India

Imahe mula sa Hindustan Times
  • May natagpuang lead at nickel sa dugo ng mga tinamaan ng misteryosong sakit sa India
  • Isa sa tinitingnang dahilan ay pagkalason umano sa ‘organochlorine’
  • Subalit wala pa ring test result na makapagpapatunay rito

May natagpuang traces ng lead at nickel sa mga blood samples ng pasyenteng tinamaan ng misterysong sakit sa India habang patuloy pang iniimbestigahan ng mga medical experts doon ang tunay na pinagmulan nito.

Hanggang nitong nakaraang Miyerkules, umabot na sa mahigit 500 katao ang napaulat na isinugod sa iba’t-ibang pagamutan sa bayan ng Eluru, state ng Andhra Pradesh matapos makaranas ng pagkahilo, pagsusuka at biglang pagkawala ng malay.

Imahe mula sa The Hindu

Nagsimula umano ito noong Sabado nang gabi kung kailan sunod-sunod na dumating sa ospital ang mga tao na pare-parehong dumanas ng nabanggit na mga sintomas.

Ayon kay State Health Minister A K Krishna Srinivas, umabot na sa 510 katao ang naapektuhan at 430 sa kanila ay napauwi naman agad, habang isa ang hindi pinalad na gumaling at binawian ng buhay.

BASAHIN: Daan-daan katao na-ospital sa India dahil sa outbreak ng ‘di pa malamang infection

Food poisoning at water contamination ang itinuturong posibleng dahilan ng sakit subalit wala pa itong sapat na batayan. Ganun pa man tiniyak ng mga awtoridad na wala itong kinalaman sa COVID-19 dahil halos lahat naman daw ng pasyente ay nagnegatibo sa virus.

Imahe mula sa RTE

Ayon sa preliminary report mula sa All India Institute of Medical Sciences (AIIMS), may nadiskubreng lead at nickel sa dugo ng mga pasyente.

“The sample size that we sent to AIIMS was small, but their report indicates the presence of heavy metals like lead and nickel. We have sent more samples and the reports are awaited,” ani Dr. AV Mohan, superintendent ng Eluru Government Hospital.

Samantala, isang mambabatas mula sa Andhra Pradesh na si GVL Narasimha Rao naman ang nagbahagi sa Twitter nitong Martes  na nakausap niya umano ang ilang medical experts at isa sa posibleng sanhi ng sakit ay pagkalason sa ‘organochlorine substances’.

Imahe mula sa Times of India

Ang organochlorine ay isang organic compound na karaniwang matatagpuan sa mga pesticides. Ito ay ipinagbabawal sa karamihan ng bansa sa mundo dahil sa diumano’y panganib na dulot nito sa kalusugan ng tao.

Ayon kay Geeta Prasadini, public health director ng Andhra Pradesh, isa itong posibilidad subalit kailangan pa nila ang test results para mapatunayan ito.

Loading…