Lespu na binigyan ng pera ni Sen. Pacquiao, namigay ng relief goods

Imahe mula sa Facebook | Carlo Romero
  • Larawan kasama si People’s Champ Manny Pacquiao lang sana ang gusto ng isang pulis nang minsang bumisita ang senador sa Cavite
  • Bukod sa kahilingang ito ay nakatanggap din ng pera ang pulis mula kay Sen. Pacquiao
  • Ipinamahagi rin niya sa mga kababayan na nangangailangan ang natanggap na biyaya

Nang bumisita kamakailan si Sen. Manny Pacquiao sa mga residente ng Dasmarinas, Cavite upang mamahagi ng biyaya ay kinuha iyon na pagkakataon ng isang pulis upang makapagpa-picture sa boxing legend.

Imahe mula sa Facebook | Carlo Romero

Hindi inaasahan ni Police Corporal (PCpl.) Carlo Romero na ang natitirang pera na hawak ng senador ay iaabot lahat sa kaniya.

Sa isang Facebook post na ngayon ay may mahigit 6.5k reactions at 1.3k shares na ay ibinahagi ni PCpl. Romero ang tagpong ito.

“Sir Manny Pacquiao, ako nga po pala ‘yong pulis na nagpa-picture sa inyo kahapon sa Dasmarinas, Cavite,” pagpapakilala niya. “Nagulat po ako dahil pagkatapos nating magpakuha ng picture ay inabot ninyo sa akin ang natirang pera sa mga ipinamahagi ninyo at noong bilangin ko ito ay mas lalo akong nagulat.”

Dagdag pa ni PCpl. Romero, ang tanging nais niya lang talaga ay magkaroon ng larawan kasama si Sen. Pacquiao. Dahil sa paghanga niya sa ginawang iyon ng mambabatas ay naisipan niyang ipamahagi sa iba ang natanggap na biyaya.

Imahe mula sa Facebook | Manny Pacquiao

“Kaya ito po, bilang pasasalamat po sa inyo ay ibinili na rin po namin ang halagang inyong ibinigay ng mga bigas, de lata, kape, at noodles upang maipamahagi po sa mga mahihirap nating kababayan,” paliwanag ng pulis na hindi na idinetalye kung magkano ang natanggap.

“Alam ko po na mas marami pa po ang lubos na nangangailangan nito kaysa po sa amin. Maraming salamat po sa inyo. Sana po mabasa ninyo at sana rin po ma-meet ko pa ulit kayo,” aniya.

Nagpasalamat din siya sa mga nagbahagi ng kaniyang kwento at ipinangakong tutulong sa mga nangangailangan sa abot ng kaniyang makakaya.

“Nakatataba po ng pus0 ang mga nababasa ko. Asahan nyo po na hindi tayo titigil tumulong hangga’t kaya ko,” pangako niya.

Source :

Facebook

Loading…