Limitadong face-to-face classes posibleng maibalik na sa ibang kurso sa kolehiyo

  • Maaaring makabalik na nang unti-unti ang ilang piling medical courses sa physical set up na klase
  • Iyan ay ayon mismo sa CHED na nagsaad na maaaring maisagawa sa 2021
  • May mga kurso kasing kinakailangang gawin ang mga practical activities kagaya ng dissecting 

Posible na umanong maibalik ang “face-to-face” classes ng ilang mga kurso sa kolehiyo pagsapit ng taong 2021, ayon sa Commission on Higher Education o CHED, lalo na ang mga kursong nangangailangan ng practical activities o pisikal na pagsasanay, basta’t makakapasa sa guidelines at health protocols.

Ayon sa CHED, hindi naman daw magiging required ang pagbabalik sa face-to-face classes, may kalayaan daw ang mga pamantasang magdesisyon kung papayagan na ang pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral, lalo na ang mga kumukuha ng mga kursong medikal.

Public Domain Image

May mga praktikal na gawain daw kasi na hindi magiging mabisa sa online classes kagaya na lamang ng pag-dissect ng cadavers at iba pang mga medical procedures na kailangan nilang matutuhan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Hati ang naging opinyon dito.

“Naku, nakakatakot pa rin. Pag-isipan ‘yang mabuti! Importante pa rin ang buhay ng mga college students no. Huwag natin silang gawing experiment,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Very good news. Nothing can replace/substitute actual face-to-face lecture, demonstrations and return demonstration especially to medical and allied sciences courses.”

“Puro reklamo ang mga Pinoy. Kapag naghihigpit at hindi pinapayagan lumabas ang tao aangal, sasabihin dapat gawing normal na dahil nahihirapan na ang mga tao. Ngayong unti-unting binabalik na sa normal ang buhay, puro angal pa rin. Saan kaya lalagay ang gobyerno?” pahayag naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Granted, lahat ng precautionary measures ginawa ng school para sa face-to-face classes. Pero paano naman ang exposure ng mga students sa labas ng schools lalo na yung mga nagko-commute?”

Public Domain Image

Anomang pamantasan ay maaaring mag-aplay para dito basta’t makakapasa sa protocols ng CHED at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Dadaan ang mga facilities at silid-aralan sa masusing pagsusuri at inspeksyon bago payagang magsagawa ng face-to-face classes. Magiging kaagapay ng CHED  ang higher education institutions sa paggawa ng guidelines para sa limitadong face-to-face classes, na posibleng ngayong Disyembre target mailabas.

Para sa makapapasang pamantasan,  maaari nang gawin ang simulation at kalauna’y pagsisimula ng limited face-to-face classes sa ikalawang semestre, na maaaring magsimula sa unang buwan ng 2021.

Loading…