Lindol sa araw ng Pasko walang epekto sa Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs

Screenshot mula sa USGS
  • Ginising ng malakas na pagyanig ang mga taga-Luzon nitong araw ng Kapaskuhan
  • Magnitude 6.3 ang nasabing lindol at ang epicenter nito ay malapit sa Calatagan, Batangas
  • Wala namang inaasahang epekto sa Bulkang Taal ang pagyanig

Walang epekto sa Bulkang Taal ang magnitude 6.3 na lindol nitong araw ng Pasko, ayon sa Philippine Institute o Volcanology and Seismology.

Ginulantang ang karamihan sa taga-Luzon nitong araw ng Kapaskuhan dahil sa malakas na pagyanig na naramdaman sa Batangas, Laguna, Kamaynilian at ilang bahagi ng Bulacan.

Bulkang Taal| Imahe mulas sa PNA

Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng lindol ay nasa 15 kilometro timog-kanluran ng Calatagan, Batangas kung saan malapit din ang Bulkang Taal. Ito ay mayroong lalim na `103 kilometro at tectonic ang origin.

Inaasahan na walang epekto sa nabanggit na bulkan ang lindol na naganap dakong alas-7:43 nang umaga nitong Biyernes.

“Titingnan natin kung may epekto ba sa Taal Volcano pero hindi naman ganoon kalakasan ang pagyanig sa Batangas province at noong mga nakaraang taon mayroong mga lindol na ganito rin kalalim, wala naman tayong nakikitang epekto sa Taal Volcano,” paliwanag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa panayam ng GMA News.

Imahe mula sa Phivolcs

Wala rin umanong banta ng tsunami dahil may kalaliman ito at hindi inaasahang magdudulot ng malaking pinsala.

Intensity 4 ang naramdaman sa Lemery at Malvar, Batangas; San Pedro, Laguna; Manila City; Marikina City; Quezon City; Cainta City,  Antipolo City, at Pasig City.

Intensity 3 naman ang naramdaman sa Caloocan City; Tanay, Rizal; San Jose Del Monte City at Plaridel, Bulacan; Gapan City, Nueva Ecija; Cabangan at Iba, Zambales; Samal, Bataan; Valenzuela City at Malabon City.

Maliban sa tatlong bahay na bahagyang nasira sa Lubang, Occidental Mindoro, wala nang naiulat pang pinsala o nasaktan dahil sa pagyanig.

Loading…