Locsin sa naunsyaming pagbili ng Pfizer vaccine: “Somebody dropped the ball”

Imahe mula sa Facebook ni Sec. Teddy Locsin
  • Ibinulgar ni Locsin na isang opisyal ang pumalpak kaya naunsiyami ang pagbili ng Pfizer vaccine
  • Ayon naman kay Ambasssador Romualdez, isang taga-DOH ang tinutukoy ni Locsin
  • ‘No idea’ naman umano dito si Sec. Harry Roque

Isiniwalat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin Jr., na makabibili sana ang Pilipinas ng 10 milyong doses ng Pfizer subalit hindi umano natuloy dahil may isang taong pumalpak sa negosasyon.

Sa sunod-sunod na post sa Twitter nitong Martes, kung saan ipinahayag ng kalihim ang pagsuporta nito sa pagbili ng bakunang gawa ng Chinese company na Sinovac, sinabi ni Locsin na dapat sana ay darating na ang bakuna sa Enero at ito ay ipi-finance ng World Bank at Asian Development Bank.

Screenshot mula sa Twitter

“That said my thanks just the same to US Sec of State Mike Pompeo we—Babe Romualdez and I—got 10 million doses of Pfizer financed by World Bank and ADB to be shipped thru FEDEX to Clark in January,” bahagi ni Locsin sa kaniyang tweet.

“BUT SOMEBODY DROPPED THE BALL. I have steel ball bearings. I just need a slingshot,” ayon pa dito.

Marami naman ang nag-udyok sa kalihim na pangalanan nito kung sino ang kaniyang tinutukoy na pumalpak.

Subalit tugon lamang nito ay, ” General Galvez is ordering. He is our savior.”

“Note that he is a general. The generals are getting things done,” dagdag pa ng Foreign Affairs secretary na ang tinutukoy ay si National Task Force Against COVID-19 at vaccination czar Carlito Galvez.

‘Somebody’ ay taga-DOH?

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na made-delay lang ang pag-deliver ng Pfizer vaccine dahil naunahan ang Pilipinas ng ibang bansa sa pagsarado ng negosasyon.

Amb. Romualdez| Imahe mula sa US-PH Society

“Only pushed back to later date of delivery possibly June next year because we did (not) act quick enough on the CDA (Confidential Disclosure Agreement). Other countries got ahead of us like Singapore,” ani Romualdez sa isang text message sa CNN Philippines nitong Miyerkules.

Nang tanungin kung sino ang ‘somebody’ na tinutukoy ni Locsin sa kaniyang tweet, ang sagot lamang ng envoy ay “Im sure you know who at DOH.”

‘No comment’ naman ang tugon nito nang pilitin kung si Secretary Francisco Duque ang tinutukoy nila.

‘No idea’  –  Roque

Samantala, wala naman umanong ideya si Secretary Harry Roque kung sino ang tinutukoy ni Locsin nang tanungin ng mamamahayag ang tagapagsalita ng Palasyo.

Ang problema umano, ayon kay Roque, ay kahit naman gustuhin ng Pilipinas na sa Pfizer kumuha ng vaccine ay wala pa rin tayong makukuha kaagad dahil nauna na ang mga malalaking bansa tulad ng Estados Unidos at United Kingdom.

Sec. Roque| Imahe mula sa Palawan News

“Ang tina-target ng delivery ng Pfizer na hindi pa natin alam kung ilan ay sa second at sa third quarter. At maraming hindi na makakaantay ng second to third quarter,” paliwanag ni Roque.

Nauna nang sinabi ni Galvez na pinaplantsa na nila ngayong linggo ang kasunduan sa Sinovac para makabili ng 25 milyong doses ng bakuna. Ang vaccine ay nakatakdang dumating sa unang quarter ng 2021 at tinatayang magkakahalaga lamang ng P3,000 para sa dalawang doses.

Loading…