Lolong nagtitinda ng tinapay sa footbridge namamalimos na rin; nahatiran ng tulong

  • Nanawagan ng tulong ang isang concerned citizen para sa isang lolong nagtitinda ng tinapay sa footbridge sa tapat ng isang sikat na mall sa Quezon City
  • Nauna nang naging trending ang matanda noong 2019 dahil sa kaniyang palangiting aura habang nagtitinda
  • Dahil sa panawagan ng netizen, nabigyan ng tulong ng ilang concerned netizens ang lolo tindero

Namamalimos na rin umano ang isang lolo na tindero ng tinapay sa footbridge na nasa tapat ng SM North EDSA, ayon sa isang concerned citizen na nakakita sa kaniya roon, dahil minsan na rin itong pinag-usapan noong 2019, sa mga social media platforms.

Ayon sa Facebook post ng concerned citizen na si “Desiree Sy Cunanan” noong Disyembre 23, 2020, simula nang maging trending si Tatay Eduardo noong 2019 dahil sa nakangiti nitong mukha habang nagtitinda ng mga tinapay sa mga nagdaraan sa footbridge,  hindi na raw siya tumigil sa pagtulong dito; subalit nangyari nga ang pandemya at nagkaroon ng community quarantines o lockdown.

Imahe mula sa Facebook account ni Desiree Dy Cunanan/Public Domain Image

Nitong malapit na mag-Pasko, saka lamang niya ulit nakita ang lolo tindero, kaya naiyak siya nang malamang bukod sa pagtitinda ay namamalimos na rin ito, bagay na hindi naman daw nito ginagawa dati.

“Naiiyak ako noong nakita ko siya kasi pag natapos na siyang magtinda namamalimos na siya, hindi po siya ganyan dati, pagkatapos niyang magtinda umuuwi na siya, dahil nagsisikap po siya magtinda araw-araw para pantustos sa pang-araw-araw nila ng asawa niya,” salaysay ni Desiree.

Mas nabagbag pa umano ang damdamin niya nang malamang may malalang kondisyon sa kalusugan si Tatay Eduardo, kaya humantong na ito sa pamamalimos. Kaya naman, nanawagan siya sa kaniyang mga kapwa netizens na may mabuting puso upang tulungan si Tatay Eduardo.

“Parang nadudurog yung puso habang kinakausap ko si Tatay,  sa mga gusto po tumulong naroon lang po si Tatay Monday to Saturday, rain or shine po siya roon,  please help Tatay Eduardo!” panawagan niya.

Public Domain Image

Umani naman ito ng reaksyon at panawagan din sa mga pro-aktibong netizens.

“Nakikita ko nga si Tatay diyan sa bridge pa puntang SM North EDSA. Nagtitinda siya ng tinapay, awa naman ng Diyos nauubos at maraming bumibili sa kanya, palangiti kasi siya habang nagtitinda. Ingat po lagi Tay! Sana mabigyang-pansin siya,” pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Please buy something from lolo, kahit hindi ninyo naman need, lagi ko siyang nadadaanan noong may pasok pa kami and lagi akong bumibili kaht hindi naman ako gutom or anything, please help him out.”

Samantala, nakatanggap naman siya ng munting pamasko mula sa mga kasapi ng Facebook group na Quarantine Tribute Tips. Nakapag-raise sila ng 9,670 piso na ginamit nila upang maibili ng bigas, gatas, at grocery items ang matanda. Ang natitirang 5,000 piso ay ibinigay nila upang maidagdag ni Tatay Eduardo sa kaniyang gamutan.

Nitong ika-26 ay ibinahagi din ni Desiree ang kasiyahan dahil sa mga nagtiwala at nagpadala ng tulong para kay tatay.

Sa mga nagnanais na magpaabot ng direktang tulong kay Tatay Eduardo, kagaya ng sinabi ni Desiree ay makikita siya sa naturang footbridge mula Lunes hanggang Sabado tuwing araw lamang.

Loading…