LTFRB nakapamahagi na ng mahigit P800-M cash subsidy sa mga apektadong PUV operators

Imahe mula sa The Straits TImes
  • Nakapamahagi na ng mahigit P800-M na cash subsidy ang LTFRB para sa mga PUV operators na naapektuhan ng pandemya
  • Ito ay halos 87.52 porsiyento na ng kanilang ‘disbursement rate’, ayon sa ahensiya
  • Ang lahat ng kwalipikadong benepisaryo ay makatatanggap ng P6,500 na maaaring ipambayad sa utang at ipambili ng gamit

Nakapag-release na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit P800-M na cash subsidy para sa mga PUV operators na na naapektuhan ng pandemya.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, umabot na sa P802-M ang naipamahaging ayuda ng kanilang tanggapan para sa 123,517 PUV units o 59,000 operators hanggang nitong nakaraang Huwebes, Disyembre 3.

Imahe mula sa Twitter

Ang nabanggit na bilang ay kumakatawan umano sa 87.52 porsiyento ng kanilang ‘disbursement rate’.

“Tuluy-tuloy lang po ang pamimigay ng subsidiya sa mga PUV operators na lubhang apektado ang kabuhayan ng kasalukuyang pandemya,” ani Delgra sa panayam ng ABS-CBN News.

Ang perang ipinamahagi ay nagmula sa P1.158-B na pondo para sa direct cash subsidy sa mg apektadong PUV operators na nakalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

“Patunay po ito sa nais ng pamahalaan na sila ay tulungang makabangon. Hindi po sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng pandemya,” ayon pa sa opisyal ng LTFRB.

Imahe mula sa PNA

Sa ilalim ng Bayanihan 2, ang lahat ng kwalipikadong operators  ng apektadong bus, P2P buses, jeepneys, minibuses, UV Express at Philcab units ay maaaring tumanggap ng P6,500.

Maaaring gamitin ang naturang halaga para ipambayad sa utang, ipambili ng equipment at gamit na kailangan upang makasunod sa pinaiiral na IATF health protocols tulad ng face mask at face shield, gasolina/krudo, at iba pa.

Para sa mga hindi pa nakatatanggap, maaari lamang bisitahin ang website ng LTFRB para sa listahan ng mga kwalipikadong benepisaryo at karagdagang impormasyon.

Loading…