Lumang larawan ng celebrity siblings na sina Cherie Gil, Mark Gil at Michael De Mesa noong mga bata pa sila kinaaliwan

  • Marami ang natuwa sa throwback photos nina Cherie Gil, Mark Gil, at Michael De Mesa noong mga bata pa sila
  • Sila ay celebrity siblings at anak nina Eddie Mesa at Rosemarie Gil na tinitingala rin sa showbiz
  • Marami rin sa kanilang mga kaanak ang kinikilala ngayon sa kanilang pag-arte dahil nananalaytay ito sa kanilang mga ugat

Kabilang sa mga iginagalang at tinitingalang celebrity siblings sina Cherie Gil, Mark Gil, at Michael De Mesa na talaga namang aktibo pa rin sa showbiz (bukod kay Mark), at hindi pa rin nawawala ang husay at brilyo sa pagganap sa iba’t ibang roles sa mga teleserye at pelikula. Palibhasa, nananalaytay sa kanilang mga ugat ang talentong ito.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang lumang larawan ng tatlong magkakapatid na ito noong sila ay mga bulilit pa, sa Facebook page na “Philippines Past and Present.” Makikitang “black and white” pa ang naturang larawan, at makikita ang tatlo na pawang cute na cute sa kanilang mga suot na damit.

Imahe mula sa Facebook page na Philippines Past and Present / Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Tha family Gil is best known as kontrabida in the movie, mapa-parents and children. I like them all, napakanatural ng acting nila at talagang bagay sa kanila,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Kamukhang-kamukha ni Cherie ang mommy niya na isa rin sa mahuhusay na aktres at kontrabida noong panahon niya at hanggang ngayon naman, si Rosemarie Gil!”

“Wow ang cute nila! Mukha talaga silang foreigners! Ang ganda ng lahi, at talented pa,” wika naman ng isa.

Sina Cherie, Mark at Michael ay anak ng celebrity couple na sina Eduardo de Mesa Eigenmann o mas kilala sa screen name na “Eddie Mesa” at Maria Rosa Francisca Catalina Gil y Castellvi  o mas tanyag sa pangalang “Rosemarie Gil.”

Si  Eddie Mesa na isang aktor at mang-aawit ay tinaguriang “Elvis Presley of the Philippines” dahil sa kaniyang impersonation o panggagaya kay King of Rock and Roll Elvis Presley habang isa naman sa mga itinuturing na primera kontrabida ang kanilang ina na si Rosemarie.

Public Domain Image

Ang panganay sa magkakapatid ay ang premyadong aktor na si Michael De Mesa na dating asawa ng multi-awarded actress at television director na si Gina Alajar. Biniyayaan sila ng tatlong anak, at dalawa sa kanila ay pinasok ang showbiz. Sila ay sina Ryan at Geoff Eigenmann. Sa ngayon, kabilang siya sa teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Si Mark Gil naman, na sumalangit na dahil sa sakit, ay naging markado rin bilang kontrabida sa iba’t ibang mga action movies, at nakasama na sina Bong Revilla, Jr., Robin Padilla, Cesar Montano, at iba pa. Siya ang ama ng aktres na si Andi Eigenmann na ang ina naman ay ang mahusay na aktres din na si Jaclyn Jose.

Si Cherie Gil naman ang bunso at nag-iisang anak na babae nina Eddie at Rosemarie. Kilalang-kilala siya sa mga pagganap bilang kontrabida sa pelikula man o teleserye, at hanggang ngayon, ginagaya at markado pa rin ang kaniyang klasikong linyang “You’re nothing but a second-rate, trying hard copy cat!” sa pelikulang “Bituing Walang Ningning” kasama ang Megastar Sharon Cuneta.

Public Domain Image

Napakagaganda at napakagagaling na pamilya, hindi ba?

Loading…