Lumang larawan ng malinis na estero noong unang panahon kinaaliwan

  • Bumilib ang mga netizens sa lumang larawan ng isang estero
  • Napakalinis kasi ng tubig dito na malayong-malayo sa mga estero o kanal ngayon
  • Ganiyan ang mga estero noong bago pa pumasok ang 1900s

Sa panahon ngayon, kapag nabanggit ang salitang “estero,” agad na pumapasok sa isipan ang mga salitang naglalarawan na marumi, mabaho, maputik, at maburak. Ito kasi ang kalagayan ng halos lahat ng mga estero sa Kalakhang Maynila at iba pang panig ng bansa. Tila napabayaan at napagtapunan ng iba’t ibang mga kalat at kemikal dahil na rin sa maling gawi ng mga tao.

Kaya naman, napamangha ang mga netizens sa ibinahaging lumang larawan ng isang netizen sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na mula umano sa koleksyon ng isang nagngangalang John Tewell, at kinulayan o pinaganda pa ni Thor Reyes. Makikita kasi ang malinis at maayos na estero noon.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

“Ganito kaganda at kalinis ang mga estero sa Maynila noong unang panahon… early 1900’s and beyond…” ayon sa caption ng post.

Makikita sa larawan ang napakalinis at napakalinaw na tubig mula sa estero. Maaari pang mamangka ang mga bata noon, hindi kagaya ngayon na masangsang at nakasusulasok na ang amoy.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang ganda-ganda ng Pilipinas. Ingatan natin at pagyamanin kung ano pa man ang natitira sa atin. Huwag muna nating sayangin ang kalikasan natin,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Talagang napakalinis pa noong araw ng mga estero at kanal noong araw, kahit diyan lang ay makakahuli na ng dalag, hito, gurami, at iba pang isdang maaaring maulam dahil malinaw ang tubig!”

“Napakaganda! Ngayon kasi maraming tao na walang pakialam sa kapaligiran, tapon kung saan-saan nagtatapon ng basura, walang pagmamahal sa kalikasan,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

Ang mga estero o kanal ay nagsisilbing drainage system na maaaring nakakonekta sa ilog o sapa. Subalit dahil sa mga basurang itinatapon ng mga tao, nagbabarado ang mga daluyang ito, na nagiging dahilan upang dumumi ang tubig, at napalalala pa kapag bumaha. Samantala, ang mga kanal naman ay dating daluyan ng transportasyon, kagaya na lamang ng Suez Canal.

Noong panahon ng mga Espanyol, ang Ilog Pasig ay kilala bilang malaking kanal o daluyan ng transportasyon, na ginamit na setting o tagpuan ni Dr. Jose Rizal sa kaniyang unang kabanata ng nobelang El Filibusterismo.

Source :

Facebook

Loading…