Magsasaka sa India instant milyonaryo matapos makapulot ng diyamante

  • May nahukay na suwerte ang isang magsasaka sa India
  • Napulot niya ang isang diyamante na nagkakahalaga ng 6 na milyong rupees
  • Nakabili siya ng dalawang hektaryang lupa, dalawang kalabaw, at motorsiklo para sa sarili; ang iba ay itatago para sa edukasyon ng mga anak

Naniniwala ka bang ang suwerte ay nasa tabi-tabi lamang? O maaari itong literal na mapulot sa daan?

Napatunayan iyan ng isang magsasaka matapos niyang makapulot ng isang diyamante sa lupa na kaniyang inuupahan sa Panna, India. Ang naturang diyamante o brilyante ay 14.98-carat na nagkakahalagang 6 na milyong rupees, na may katumbas na $82,000 sa US dollars, at 3.9 milyon naman sa Philippine peso.

Public Domain Image

Kuwento ni Lakhan Yadav, napansin niya ang diyamante matapos niyang maghukay sa lupa.  Inakala niya noong una na ito ay isang karaniwang pebble lamang, subalit nagbago ang kaniyang pagtingin, nang malinisan na niya ito.

Nang mapagtanto niyang hindi ito isang karaniwang bato lamang, agad niya itong ipinakonsulta sa isang diamond specialist, na nagkompirmang isa itong tunay na diyamante.

Nang tanungin kung saan niya ilalaan ang pera, itatabi raw niya ito para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Hindi kasi siya nakapag-aral kaya nais niyang mabigyan ng magandang edukasyon ang kaniyang mga supling.

“I am not an educated person and I’ll put the money in a fixed deposit to ensure my four kids get good education,” ani Yadav sa mga panayam sa kaniya.

Bumili siya ng isang motorsiklo na nagkakahalagang 100,000 rupees o katumbas ng US$1,300, at 65,200 piso sa ating currency. Inudyukan lamang daw siya ng kaniyang pamangkin. Masaya naman daw siya sa kaniyang nabili para sa kaniyang sarili.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Public Domain Image

“He is a very lucky guy, indeed! Congratulations. Spend the money wisely!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Well… ganiyan talaga. Iyan ang literal na nakatisod ng suwerte sa lupa, pero sa pagkakataong ito, nahukay niya. Good for him!”

“Please spend your money wisely, para hindi matulad doon sa mga napapabalitang lottery winners na nauwi sa hirap dahil hindi magaling sa money-spending at pag-iipon. Mabilis maubos ang pera, mahirap kitain.”

Sa kabila ng pagiging milyonaryo, ipagpapatuloy pa rin daw niya ang pagsasaka. Sa katunayan, bumili siya ng dalawang hektaryang lupain at dalawang buffaloes o kalabaw para makatuwang niya sa kaniyang trabaho.

Loading…