Magulang sa mga ninong/ninang: “Kapag nagbigay, salamat; Kapag hindi naman, ok lang din”

  • “Kapag nagbigay, salamat; Kapag hindi naman, ok lang din”
  • Iyan daw sana ang maging mentalidad ng mga magulang ngayong Pasko para sa mga ninong at ninang ng kanilang mga anak
  • Turuan daw ang mga anak na pahalagahan ang ano man ang ibigay ng kanilang mga ninong at ninang, maliit man daw o malaki

Ngayong nalalapit na ang Pasko, isang nakaugaliang tradisyon ang pagbibigayan ng regalo, lalo na ang mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak. Bagama’t ito ay bahagi na ng kultura at hindi na maaalis pa kahit may pandemya, kailangan nga bang malaki ang aginaldong maibigay ng ninong at ninang sa kanilang mga inaanak?

Kumakalat ngayon ang isang Facebook post na hindi matukoy kung sinong magulang (bagama’t ibinahagi ng isang nagngangalang Edlyn Rose LotLot) ang nagpahayag ng kaniyang saloobin at opinyon hinggil sa pagbibigayan ng regalo tuwing Pasko, partikular sa pagitan ng mga ninong o ninang at inaanak.

Public Domain Image

“Masaya naman talaga ang bata sa kahit anong ibigay mo. Ang magulang lang naman ang madalas maraming reklamo,” unang pangungusap sa naturang Facebook post.

“Tatawanan ka pa minsan kapag bente lang binigay mo. Yung mga tingin na ‘bakit ito lang.’ Minsan tatanungin pa kung anong trabaho mo para lang ma-justify nila bakit ganoon yung binigay mo. Imbes na masaya lang ang Pasko, nagiging pangamba na siya sa marami. Kasi yung dapat na bukal sa loob na pagbibigay, nagiging obligasyon na.”

Isinalaysay pa sa post ang turo umano ng kaniyang mga magulang na hanggang sa pagtanda ay dala-dala nilang magkakapatid.

“Kahit ano pa ‘yan, maliit o malaking presyo, matutong magpasalamat. I-appreciate ninyo yung bagay na binibigay ng ibang tao. Kapag nagbigay, salamat, Kapag hindi, ok lang din.”

Kaya nakuntento raw sila. Hindi raw sila namamasko noong mga bata pa sila at nadala niya sa kaniyang pagmamagulang. Hindi raw niya dinala ang mga anak niya sa mga ninong at ninang nito. Wala raw siyang inobliga para magbigay ng pera sa kaniyang anak.

Public Domain Image

“Kapag tinatanong kami kung anong gusto ni Baby O, ang isasagot lang namin ‘kahit ano,’ ‘bahala na kayo.’  Kasi kung anong kaya nilang ibigay, meron man o wala, okay lang sa amin,” aniya.

Sa kabila nito, may paglilinaw naman siya para sa lahat.

“Hindi ko sinasabing masama ang mamasko. Sa totoo lang, masaya ang magbigay at makatanggap lalo na tuwing Pasko. Ang point ko is, turuan nating makuntento ang anak natin sa kung anong kayang ibigay ng mga ninang at ninong nila.”

“Kasi ang mga bata, mababaw kaligayahan niyan, tumataas lang ang expectation nila kapag iyon ang naririnig o nakikita nila sa mga magulang nila.”

Iyan din ang saad ng isang netizen na pinag-usapan din sa social media. Aniya, hindi raw tagabigay ng regalo ang tunay na role ng mga ninong at ninang kundi mga pangalawang magulang para sa kanilang mga anak.

Ang tunay na role ng mga ninong at ninang, hindi tagabigay ng regalo sa inaanak, ayon sa isang netizen

Source :

Facebook, DF News

Loading…