Mahigit P265-M na jackpot sa Super Lotto napanalunan ng lone bettor

Imahe mula sa PCSO
  • Napanalunan na ang mahigit P265-M na jackpot prize sa Super Lotto 6/49
  • Isang masuwerteng mananaya mula sa Maynila ang nakahula nang tama sa anim na numerong lumabas nitong Linggo
  • Ito na ang pangalawang beses na tinamaan ang jackpot prize sa lottong ngayong Disyembre

Isa na namang masuwerteng mananaya ang nadagdag sa listahan ng mga naging milyonaryo dahil sa lotto ngayong panahon ng pandemya kung kailan ang karamihan sa mga Pilipino ay pinipilit makaahon mula sa epekto ng krisis.

Sa ginawang bola ng Super Lotto 6/49 nitong Linggo, Disyembre 6, isang bettor mula sa Maynila ang nakahula nang tama  sa anim na numerong lumabas na 06-12-18-20-32-41.

Imahe mula sa PCSO-Facebook

Dahil dito, maiiuwi ng masuwerteng mananaya ang kabuuang jackpot prize na P265,353,489.60.

Bukod sa jackpot, 53 na mananaya din ang mag-uuwi ng P50,000 kada isa bilang second prize matapos mahulaan nang tama ang lima sa numerong lumabas, habang 2,644 ang nanalo ng P1,200 para sa third prize.

Ito na ang pangalawang beses na natamaan ang jackpot prize sa lotto ngayong Disyembre.

Noong Martes, Disyembre 1, isang ring masuwerteng mananaya mula sa Pampanga ang nag-uwi ng P9,403,768.20 na jackpot sa Regular Lotto sa 6/42 matapso lumabas ang kaniyang tinayaang numero na 13-28-09-34-25-19.

Samantala patuloy namang lumalaki ang premyo sa Ultra Lotto 6/58 dahil hindi pa natatamaan ng jackpot nitong umabot na sa mahigit P88-M. Lumabas nitong Linggo ang numero sa 6/58 na 19-09-52-55-31-54 subalit walang nakahula.

Imahe mula sa PCSO-Facebook

Mabibili ang kada tiket ng lotto sa halagang P20 na lamang matapos ibaba ng PCSO ang presyo nito mula sa P24.

Para sa mga masuwerteng mananalo, maaari lamang kunin ang kanilang premyo sa PCSO main office na matatagpuan sa 605 Conservatory Bldg., Shaw Blvrd. Corner Priceton St., Mandaluyong City.

Ang bawat premyo ay kakaltasan ng 20 porsiyento alinsunod na rin sa ipinatutupad na TRAIN Law.

Loading…