Matandang nakatulog habang nagtitinda ng ice drop sa Cebu City nagpaantig sa damdamin ng mga netizens

  • Isang matandang nagtitinda ng ice drop mula sa Cebu City ang nagpaantig sa damdamin ng mga netizens
  • Naispatan kasi siyang natutulog habang nakaupo at nagtitinda sa bangketa
  • Sa kabila ng kaniyang edad, mas pinili raw niyang magbanat ng buto upang hindi maging “pabigat” sa kapatid

Sadyang may mga taong ayaw na maging pabigat sa kanilang mga mahal sa buhay, kaya kahit na may edad na, pinipili pa rin nilang magbanat ng buto upang hindi iasa sa kanilang mga kaanak ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan a bagkus aymakatulong pa.

Kagaya na lamang ng itinampok na isang matandang tindero ng ice drop mula sa Pardo Public Market, Cebu City, kung saan naispatan siya ng netizen na si Carlos Pajo at misis nito, na nakatulog na habang nagtitinda. Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post at humingi ng permiso na makuhanan at mai-upload ang kaniyang mga larawan, upang makapanawagan ng tulong para sa mga nagnanais na magkaloob nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Carlos Pajo

Ayon kay Pajo, hirap na raw maglakad si Mang Toro dahil tila may diperensiya sa paa. Kapag hindi raw naubos ang panindang ice drop, ipinamimigay raw niya ito sa mga bata.

Nakilala ang naturang matandang tindero na si Mang Toro, 73 taong gulang. Sa kabila ng kaniyang edad ay nagtitinda raw siya dahil ayaw niyang maging pabigat sa kapatid na lalaki na kasama niya sa bahay.

Para kay Pajo, kahanga-hanga ang katulad ni Mang Toro dahil sa kabila ng edad nito ay patuloy pa rin itong naghahanapbuhay, at mas pinipiling mamuhay nang may dignidad, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Nakakaawa naman ang tulad niya, sila ang dapat tulungan, masikap sa hanapbuhay at hindi gumagawa nang masama,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Bilib ako sa mga taong nagsisikap nang ganito, sana po may ginintuang pusong tumulong sa inyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Carlos Pajo / Public Domain Image

“Sana naman matulungan si Lolo sa ganitong pamamaraan, sa pamamagitan ng pag-post sa social media at may magandang kalooban na willing tumulong Kay Lolo. Bilib ako sa inyo Lolo Hindi sumusuko sa buhay, laban lang!” pahayag naman ng isa.

Tunay na kahanga-hanga ka, Mang Toro!

Loading…