Mayor Gatchalian pinabulaanang may kinalaman sa lupa ng Maynilad ang suspension vs. NLEX Corp.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Itinanggi ni Gatchalian na may kinalaman sa isyu ng lupa ang kaniyang ginawang aksiyon sa NLEX
  • Inililihis lang daw ang tunay na isyu sa problema sa RFID
  • Pinabulaanan na rin ni MVP na sila ang nasa likod ng paninira laban sa pamilya Gatchalian

Mariing itinanggi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na mayroong ibang motibo ang kaniyang naging aksiyon laban sa NLEX Corporation matapos kumalat ang usap-usapan na may kinalaman ito sa binibili nilang lupa.

Kamakailan ay kumalat ang isang mensahe sa Viber na may gustong bilhing lupa ang pamilya Gatchalian na pag-aari ng Maynilad. Ang nasabing property ay nagkakahalaga umano ng P100-M subalit P500,000 lamang ang inalok ng mga Gatchalian.

Imahe mula sa Facebook- Mayor REx Gatchalian

Subalit pinabulaanan ito ng alkalde at sinabing inililihis lamang ng nasabing tsismis ang tunay na isyu sa RFID system – ang malubhang trapik na idinulot nito.

“Ang pakiwari ko, nililihis ang tao sa tunay na isyu: ‘yung traffic na dinudulot sa toll plaza ng NLEX,” ani Gatchalian sa panayam ng Teleradyo nitong Lunes.

“I think hindi dapat madistract o malihis ang atensyon ng taumbayan sa totoong isyu, yung traffic na dinudulot dito at naghahanap tayo ng solusyon,” dagdag pa ng alkalde.

Paliwanag ni Gatchalian, ang city government ng Valenzuela ang nag-expropriate sa lupang nakatiwangwang na kinalaunan ay nalaman nila sa korte na pag-aari pala ng Maynilad. Wala umanong kinalaman dito ang kaniyang pamilya.

Imahe mula sa Facebook – Mayor Gatchalian

Ang NLEX Corp. at Maynilad ay parehong pinamamahalaan ni Manny V. Pangilinan (MVP).

Ayon pa sa alkalde, on-going na ang construction sa nabanggit na property at pag-aari ito ng city government; hindi ng kanilang pamilya.

“Basta may writ of possession po na inisyu ang korte dito kaya legal itong napunta sa city government,” paliwanag pa ni Mayor Gatchalian.

Nakapagtataka daw na sa gitna ng isyu sa NLEX ay saka naman inilabas ang ‘demolition job’ laban sa kanilang pamilya. Malinaw umano na isa itong hakbang para ilihis sa tunay na isyu ang problema sa RFID.

Hindi man tuwirang pinangalanan ni Gatchalian ang kampo ni MVP bilang nasa likod ng paninira laban sa kaniya, sinabi ng alkalde na hindi siya papayag na yurakan ng anumang ‘multi-billion entity’ ang karapatan ng mga motorista.

Bago pa man ito, itinanggi na rin ni MVP na ang kampo nila ang nasa likod ng kumakalat na mapanirang mensahe laban sa pamilya Gatchalian.

Screenshot mula sa Twitter – MVP

“There’s a malicious and absolutely false rumor being circulated about the Gatchalian family; that we’re somehow sponsoring this rumor. WE DO NOT HAVE ANY ROLE OR PARTICIPATION WHATSOEVER WITH THIS RUMOR. WE DO NOT ENDORSE OR SUPPORT, THIS SPITEFUL RUMOR IN ANY WAY WHATSOEVER,” ani Pangilinan sa isang tweet noong nakaraang araw.

Loading…