Mayor Isko inalala ang ‘noche buena’ noon na ang handa ay mga ‘nahulog’ na hamon at hotdog

Screenshot mula sa GMA News YT video
  • Inalala ni Mayor Isko ang naging buhay noon lalo na pagsapit ng Pasko
  • Minsan umano ay mga nahulog na hamon at hotdog ang kanilang handa sa ‘noche buena’
  • Ang lahat ng kwalipikadong benepisaryo ay makatatanggap ng P6,500 na maaaring ipambayad sa utang at ipambili ng gamit

Ang kuwento ng pinagdaanan ni Manila Mayor Isko Moreno ay isang bukas na aklat sa publiko at maraming tao ang nakasaksi sa pagbabago sa kaniyang buhay mula sa pagsisimula sa showbiz hanggang matagumpay na mapasok ang mundo ng pulitika.

Ilang beses na ring naging paksa ng balita, lathalain at drama sa telebisyon ang naging buhay ni Mayor Isko, o Francisco Domagoso sa tunay na buhay, at kailanman ay hindi ito itinanggi ng kasalukuyang alkalde ng kabisera ng bansa.

Screenshot mula sa GMA News YT video

Sa programang ‘Tunay na Buhay’ ng GMA 7, muling sinariwa ni Yorme ang naging buhay nila noon lalo na kapag malapit na ang Pasko.

Dahil kilalang nagmula sa mahirap na pamilya sa Tondo, isa sa naging hanapbuhay noon ng alkalde ay ang mangalakal ng basura upang makatulong sa kaniyang pamilya. Bagama’t tutol umano rito ang kaniyang nanay, kinalaunan ay pumayag na rin basta’t tapusin niya ang kaniyang pag-aaral.

“Ang gusto niya, makatapos ako ng high school. Kalaunan, ako’y lumalaki na, tapos kaya ko nang bumuhat ng sarili kong kariton,” kuwento ni Yorme.

Screenshot mula sa GMA News YT video

Nagtataka raw kasi siya dahil ang iba niyang mga kaibigan noon ay maraming pera palagi subalit hindi niya alam kung saan iyon nanggagaling. Nadiskubre niya na galing pala ito sa pangangalakal ng basura kaya naengganyo na rin siyang sumama sa kanila.

Ibinahagi rin ni Yorme ang mga naging karanasan niya noon kapag Pasko lalo na ang pagkakataong ang handa minsan sa kanilang ‘noche buena ay mga pinulot na hamon at hotdog lamang.

“Pagka mga 22 o 23 na, sasabihin ng nanay ko… tingnan mo kung may madale ka mamaya na hotdog saka hamon para sa Pasko,” paglalahad ni Mayor Isko.

Ang ginagawa raw niya ay pupunta sa palengke ng Divisoria at mag-aabang sa ‘meat portion’ doon ng mga nahuhulog na pagkain.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

“Kaya lamang, siguro sa dami ng nagtitinda, minsan may mga dumadausdos, nahuhulog na dalawang pirasong hotdog nasasama sa plastic, o kaya ‘yung tinatawag na retaso sa hamon… Natsatsambahan ko ‘yun,” ani Yorme.

“Kaya lang minsan maasim na. At least hindi mo na kailangan ng suka,” pagbibiro pa nito.

Marami pang mga alaala ang sinariwa ni Yorme sa ‘Tunay na Buhay’ kabilang na ang kaniyang naging career sa showbiz at mga intrigang kinasangkutan.

Tunghayan ang naging panayam kay Mayor Isko sa nasabing programa:

Loading…