Mayor Vico nag-sorry sa Pasig senior citizens na ‘di pa nakatatanggap ng cash gifts

Imahe mula sa Facebook-Mayor Vico Sotto
  • Humingi ng paumanhin si Mayor Vico sa mga senior citizens na ‘di pa nakatatanggap ng cash gift
  • Inamin ng alkalde na nagkaroon ng kaunting problema sa pamamahagi nito
  • Tiniyak naman ni Mayor Vico na matatanggap pa rin nila ang cash gifts

Humingi ng paumanhin at pang-unawa si Mayor Vico Sotto sa mga senior citizen ng Pasig City na hindi pa nakatatanggap ng cash gift na nagkakahalaga ng P3,000.

Sa Facebook Live ng alkalde nitong araw mismo ng Pasko, inamin ni Mayor Vico na nagkaroon ng kaunting problema sa pamamahagi ng cash gift kaya marami pa rin ang hindi nabibigyan na mga senior citizen.

Imahe mula sa Facebook-Pasig PIO

“Ako po ay humihingi ng inyong pang-unawa at pasensya dahil 40 percent ng senior citizens na hindi pa po natanggap ang kanilang cash gift so I am very sorry, we did our best. Siguro nakita naman natin, talagang sinubukan natin although because of pandemic maraming na-delay,” ani Mayor Vico.

Paliwanag ng alkalde, hindi lang sa parte ng LGU ng Pasig nagkaproblema kung hindi maging sa bangko mismo. Ito ay dahil na rin daw sa limitadong staff ng Land Bank na nagpoproseso ng nabanggit na tulong.

“May elemento ‘yan na hindi ganoon karami ang staff ng Landbank. Hindi nila kaya iyong sobra sobrang overtime. Hindi rin puwede naman ideputize tayo para mag-authorize na mamamahagi kasi suwerte na tayo na pumayag sila sa offsite,” ayon sa mayor.

Screenshot mula sa Facebook Live

Humingi rin ng paumanhin si Mayor Vico dahil ang ibang sites kung saan namigay ng pera ay medyo nagkagulo na at hindi na halos nasunod ang social distancing. Dahil dito, inako ng alkalde ang resposibilidad at nangakong bibigyan ng cash gifts ang kaya nilang mabigyan.

Tiniyak din ng alkalde na makukuha pa rin ang nalalabing 40 porsiyento ng senior citizen ng lungsod ang naipangakong cash gifts para sa kanila.

Imahe mula sa Facebook-Pasig PIO

“Anyway, maaasahan pa rin natin iyong 3,000 pesos na iyon, ‘yung cash gift na iyon. Kahit na maraming gastos sa COVID bilyon-bilyon ang ginastos natin para maging maayos po,” pagtitiyak ni Mayor Vico.

Hinimok rin ng pamahalaang lungsod ng Pasig na i-check ang schedule ng pamamahagi ng cash gift sa official na Facebook ng  Pasig Information Office (PIO) upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa branch ng Land Bank.

Loading…