Mayor Vico Sotto dinalaw ang set ng “Daddy’s Girl” sa Pasig; “maniningil” lang daw ng fees

  • “Binisita ko sila para maningil ng fees”
  • Iyan ang pabirong banat ni Mayor Vico Sotto matapos bumisita sa set ng “Daddy’s Girl” na ginanap sa isa sa mga ipinagmamalaking parke ng Pasig City
  • Ito raw ang unang beses na makikita niya ang kaniyang Kuya Oyo Sotto simula nang mag-lockdown

Dinalaw ni Mayor Vico Sotto ang set ng “Daddy’s Girl” sa Rainforest AdVenture Experience Park sa Pasig upang makita ang kapatid na si Oyo Sotto na matagal na raw niyang hindi nakita, magmula nang mag-umpisa ang community quarantines o lockdown noong Marso 2020.

Makikita sa Instagram post ni Mayor Vico ang larawan niya kasama ang cast ng naturang sitcom sa GMA Network na kinabibilangan nina Maine Mendoza, Wally Bayola, iba pang mga cast at crew, at syempre, ang kaniyang Kuya Oyo na na-miss daw niya.

Imahe mula sa Instagram account ni Pasig City Mayor Vico Sotto

“First time to see Kuya Oyo since March!!! Visited them on the set of Daddy’s Girl in Pasig’s very own Rainforest AdVenture Experience Park,” saad ng mayor sa kaniyang IG post.

Subalit pabiro niyang sinabi na kaya siya nagtungo roon upang maningil ng fees dahil sa paggamit nila sa lokasyon bilang taping place.

“Binisita ko sila para maningil ng fees,” pabirong banat ni Mayor Vico, na isang “komedyante” rin, na nakuha niya sa kaniyang amang si Vic Sotto.

Naibahagi pa niya na nahihiya raw ang mga kawani ng Pasig City Local Government Unit na singilin ng production fees ang M-Zet Productions ng kaniyang ama dahil nga kamag-anak niya. Pero may mahalagang pahayag dito ang mayor.

“Actually, noong una nahihiya yung mga empleyado ng LGU na singilin ang M-Zet Productions ng fees, dahil alam nilang kay Papa ‘yun. Pero nang nalaman ko ‘to, ang sabi ko, MAS LALONG DAPAT singilin ‘pag kamag-anak ko!! Ma-check nga bukas kung bayad na sila,” aniya.

Public Domain Image

Agad namang tumugon si Oyo sa comment section ng post ni Mayor Vico.

“HAHAHAHAHA!!!! Good to see you Vico! Grabe na-miss kita. Ingat lagi!”

Nakatutuwa na bagama’t kinikilala ngayon si Mayor Vico bilang mahusay at seryosong public servant kahit unang beses pa lamang niyang sumabak bilang alkalde ng Pasig, madalas ay ipinakikita rin niya ang mga kuwelang katangian niya sa social media, bagay na kinaaaliwan naman ng mga netizens, lalo na ang kaniyang mga nasasakupan.

Loading…