MECQ ipatutupad daw sa Metro Manila bago mag-Pasko?

Imahe mula sa RMN
  • Kumalat ang usap-usapan na magdedeklara ng MECQ sa Metro Manila simula sa Lunes, December 21
  • Isang memo mula sa PNP ang kumalat na nagsasabing idedeklara sa Metro Manila ang MECQ
  • Pinabulaanan naman ito ng PNP at ni DILG Sec. Año

May umugong na usap-usapan na kung hindi mag-iingat ang mga residente ng Metro Manila, malaki raw ang posibilidad na isailalim ang buong rehiyon sa modified enhanced community quarantine (MECQ)  bago dumating ang Pasko.

Imahe mula sa My Pope PH

Lumitaw ang ganitong balita kasunod ng diumano ay isang memorandum na inilabas ng Philippine National Police (PNP).

Tila nagatungan ang mga haka-haka nang magsagawa ang PNP at Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ng mga inspections at paglalagay ng mga checkpoint sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila, partikular na sa mga palengke, upang alamin kung sumusunod ang publiko sa health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.

“We set up these checkpoints and conducted these inspections to remind the public to continually observe physical distancing, wearing of masks and face shields, especially now that many of us are rushing to do Christmas shopping,” ayon sa isang opisyal ng PNP.

Ayon pa sa opisyal na hindi kinilala, naroroon ang posibilidad na irekomenda ang MECQ lalo na kung tataas ang bilang ng bagong COVID-19 cases.

Screenshot mula sa ANC video

Nilinaw ng opisyal na ang pagdedeklara ng MECQ ay depende pa rin sa IATF at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinasinungalingan naman ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang kumakalat na balita. Hindi raw iyon totoo.

Aniya, walang direktiba galing sa national government na ideklara ang MECQ sa Metro Manila.

“Fake news,” ang maikling tugon ng kalihim sa mga mamamahayag na nagtanong.

Imahe mula sa PNA

Fake news din ang sabi ni PNP Spokesperson Col Ysmael Yu tungkol sa MECQ declaration. Wala raw kapangyarihan ang PNP na magdeklara nito dahil ang  IATF lang ang maaaring mag-isyu ng kautusan pagdating sa pagdedeklara ng community quarantine saan mang lugar sa bansa.

Loading…