Mega Lotto 6/45 jackpot prize na P166-M napanalunan na rin

Screenshot mula sa YT video
  • Nakuha na ang jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 na napanalunan nitong Lunes nang gabi
  • Umabot sa mahigit P166-M ang maiuuwing premyo ng masuwerteng mananaya
  • Ito na ang pangatlong beses na tinamaan ang lotto jackpot prize ngayong buwan

Habang nalalapit ang Pasko ay dumadami ang sinusuwerteng mananaya sa lotto na napapanalunan ang milyones na jackpot na premyo.

Ang pinakahuling mananaya na nadagdag sa listahan ng mga naging milyonaryo dahil sa lotto ngayong pandemya ay naitala nitong Lunes nang gabi, Disyembre 14, sa ginanap na bola ng Mega Lotto 6/45.

Maiuuwi ng nag-iisang bettor ang P166,546,579.20 na premyo matapos mahulaan ang anim na numerong lumabas sa bola na 34-11-06-24-25-39.

Imahe mula sa Facebook-PCSO

Hindi pa inilalabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang anumang impormasyon hinggil sa kung saan nabili ang masuwerteng ticket.

Maliban sa nag-iisang jackpot winner, panalo rin ang 34 katao ng P32,000 kada isa matapos mahulaan ang lima sa anim na numerong lumabas, at 2,154 iba pa para sa  P1,000.00 na third prize.

Ito na ang pangatlong beses ngayong buwan ng Disyembre na napanalunan ang jackpot sa lotto.

BASAHIN: Mahigit P265-M na jackpot sa Super Lotto napanalunan ng lone bettor

Noong Disyembre 1, isang ring bettor mula sa Pampanga ang nag-uwi ng mahigit P9.4-M na premyo sa Regular Lotto 6/42 matapos lumabas ang kaniyang tinayaang numero na 13-28-09-34-25-19.

Nitong Disyembre 6 naman, isang pang masuwerteng mananaya mula sa Maynila ang nakahula nang tama  sa anim na numerong lumabas na 06-12-18-20-32-41 para makuha ang jackpot prize na P265,353,489.60 sa Super Lotto 6/49.

Imahe mula sa Facebook-PCSO

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, hindi pa sumisipot sa kanilang tanggapan ang mananayang taga-Maynila para kunin ang napanalunang P265-M.

Samantala, wala pa ring nanalo sa jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na umabot na sa mahigit P44-M. Binola rin ito Lunes nang gabi kung saan lumabas ang mga numerong 50-07-55-25-36-28.

Mabibili ang kada tiket ng lotto sa halagang P20 na lamang matapos ibaba ng PCSO ang presyo nito mula sa P24.

Para sa mga masuwerteng mananalo, maaari lamang kunin ang kanilang premyo sa PCSO main office na matatagpuan sa 605 Conservatory Bldg., Shaw Blvrd. Corner Priceton St., Mandaluyong City.

Ang bawat premyo ay kakaltasan ng 20 porsiyento alinsunod na rin sa ipinatutupad na TRAIN Law.

Loading…