Mekanikong napagkamalang kawatan siya naman ang tinulungan

  • Nakatanggap ng tulong ang isang mekanikong napagkamalang kawatan ng isang mag-asawang nasiraan ng motor sa daan
  • Siya ay mula sa Leyte na lumuwas ng Maynila upang maghanap ng mapagkakakitaan
  • Nang mabasa ng isang grupo ang kaniyang kuwento, hindi sila nag-atubiling magpahatid ng tulong sa kaniya

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan at nagpaantig sa damdamin ng mga netizens ang isang lalaking inakalawang masamang tao ng mag-asawang nasiraan ng motosiklo sa kahabaan ng Shaw Boulevard, subalit nagprisinta pa ng pagtulong sa kanila, dahil isa pala siyang mekaniko sa probinsiya, at nagtungo sa Maynila upang magbaka-sakaling makatisod ng oportunidad; subalit inabutan nga lamang ng lockdown.

Mag-asawang nasiraan ng motorsiklo sa daan tinulungan ng lalaking napagkamalang kawatan

Salaysay ng mag-asawa mula pa sa lalawigan ng Cavite, nakaangkas sila sa kanilang motorsiklo upang mag-deliver ng kanilang produkto, nang masiraan ito sa kahabaan ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City. Nang tumabi sila upang ayusin ito, isang estrangherong lalaki ang umaligid sa kanila.

“Umaaligid-aligid sa amin… pasindi-sindi ng sigarilyo… palakad-lakad. By that time, binubuksan na ng asawa ko yung harapan ng motor at bakas na ang nerbiyos.”

Maya-maya, hindi na nakatiis pa ang lalaki. Lumapit ito sa kanila at nagpakilala sa pangalang Ferdinand Pulido. Nagmagandang-loob itong tulungan sila sa pagkukumpuni. Nagtatrabaho raw ito sa isang auto shop sa lalawigan ng Leyte at nagbaka-sakali sa Maynila. Sa kasamaang-palad, inabutan ito ng lockdown dahil sa pandemya.

Nanawagan ang mag-asawa sa mga may-ari ng auto shop na sana ay matulungan si Ferdinand na makahanap ng trabaho. Agad naman itong nabasa ng isang grupo na nagngangalang “Quarantine Tribute Tips” at hindi nagpatumpik-tumpik na nagpaabot ng tulong sa kaniya noong Disyembre 6, 2020, Linggo.

“Nag-usap kami na food na lang daw po ang kailangan niya kasi hindi na raw muna siya tutuloy umuwi ng Leyte kasi wala rin daw hanapbuhay doon, iniisip niya yung pang araw-araw ng 3 little girls niya kung uuwi siya na walang trabaho,” salaysay ni Ayla Conda sa Facebook group.

Imahe mula sa Inquirer

Sa ngayon ay may trabaho na raw si Ferdinand sa Quezon City. Bukod sa pagkain, binigyan din ng grupo ng panustos na pera si Ferdinand, na ang kalahati ay ipinadala sa Leyte para sa kaniyang pamilya.

Sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong kay Ferdinand, hanapin lamang ang Facebook account ni Ayla Conda at makipag-ugnayan sa kaniya.

Loading…