Mensahe ng doctor/vlogger para sa mga pasyenteng ‘nasusungitan’ sa kanila: “Hindi magic ang gamot”

  • May paliwanag ang isang medical doctor/vlogger kung bakit minsan ay masungit ang doktor sa kanilang mga pasyente
  • May kinalaman umano ito sa pag-inom ng gamot; hindi raw ito ‘magic’ na bigla na lamang mawawala ang sakit dahil sa pag-inom nito ora-orada
  • Hati naman ang naging reaksyon at opinyon dito ng mga netizens

Sa panahon ngayon ng pandemya, masasabing inaabangan ng lahat ang pagsulpot ng epektibong gamot para makaiwas o mapuksa ang COVID-19 na halos isang taon na ring nagpapahirap sa lahat ng bansa sa buong daigdig. Bagama’t maraming mga taon ang iginugugol para mapatunayang mabisa ang isang gamot, iba ang kaso para sa COVID-19 dahil nga sa perwisyong dulot nito sa lahat ng sektor ng lipunan, sa iba’t ibang lupalop.

At dahil napag-uusapan ang pag-inom o pag-take ng gamot, may paliwanag naman ang isang medical doctor at kilalang vlogger/social media influencer na si “Dr. Kilimanguru” kung bakit nga ba minsan, may mga masungit na doktor, lalo na kapag nagfa-follow up sa kanilang mga pasyente, kung regular ba nitong iniinom ang iniresetang gamot.

Makikita ito sa kaniyang Facebook post.

Public Domain Image

“BAKIT MASUNGIT ANG MGA DOCTOR? Kasi iinom kayo ng niresetang antibiotic ng ONE day pa lang tapos sasabihin ninyo Tinigil ko na po, wala namang effect kahit na inexplain namin na after 3 days pa ang effect niya,” saad niya.

May paalala pa siya: “HINDI MAGIC ANG GAMOT.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kasi minsan mas maalam pa ang pasyente kaysa sa doktor. Nakapagtapos kasi sila ng kursong Doctor of Medicine sa Google University o kaya sa School of Medicine ng kapitbahay. Hahaha,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana kasi huwag na masyadong magtiwala sa mga pamahiin. Mas pinapairal pa kasi yung sabi- sabi. Biruin mo naman, bawal daw magpahilot ang may regla.. anong konek?”

“Yung kakainom pa lang ng first dose ng antibiotic tapos yung pasyente or relatives tanungin ka bakit ‘di nawala yung sinasakit niya eh nakainom na siya ng gamot? Ano iyon, magic pill? Instant galing agad-agad? Hahaha,” pahayag naman ng isa.

Public Domain Image

Samantala, isang netizen naman ang nagbigay ng kaniyang opinyon, na dapat daw ay maging matiyaga ang mga doktor sa pagpapaliwanag sa kanilang mga pasyente sa mga bagay-bagay hinggil sa siyensiya at medisina, lalo na kung hindi naman ito madaling maunawaan.

“Usually ang doctor magaling mag-analyze and all pero kulang sa empathy towards their patients. It is not common to get a doctor here in the Philippines who empathizes or sees things from their patients, otherwise limited, non- medical view. Dapat siguro isama sa medical school ang EQ training. Just being honest,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Hindi kailangan na magtanong ang pasyente sa mga doktor, kayo dapat ang magpaunawa at mag-explain, kaya nga kayo naging doktor. Huwag maging mapagmataas o mag-iwan ng mga tanong sa ere during consultations. Masakit man marinig, sana mapulutan ng aral ang puntong ito. Respect my post dahil real talk lang.”

Ikaw, anong masasabi mo sa bagay na ito?

Source :

Facebook

Loading…