Meralco maaari nang ‘magputol’ sa susunod na taon kung ‘di ma-extend ang moratorium

Imahe mula sa Meralco
  • Maaari nang magputol ng kuryente ang Meralco sa susunod na taon
  • Ito ay kung hindi umano mapapalawig muli ang moratorium na hiniling sa kanila ng ERC
  • Samantala, bababa naman umano ang bayarin sa kuryente ngayong buwan dahil sa mas mababang demand

Puwede nang magsimulang magputol ng kuryente ang Meralco sa susunod na taon kapag hindi na pinalawig pa ng Energy Regulation Commission (ERC) ang moratorium na ipinatupad nitong panahon ng pandemya.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, hanggang sa katapusan na lang ng taon ang ‘no disconnection policy’ na inihirit ng ERC sa kanila at wala pa silang natatanggap na bagong utos mula sa commission.

Joe Zaldarriaga| Imahe mula sa Facebook

“Doon sa announcement sa ERC ang kanilang advise is up to the end of the year. ‘Yun ang sinusunod namin,” ayon kay Zaldarriaga sa panayam ng ABS-CBN News.

Subalit bukas naman daw ang power company para sa mga konsyumer na nahihirapan pa ring magbayad ng kanilang electric bills at nais makipag-usap sa kanilang tanggapan.

“Doon sa mga nangangamba dahil hindi pa sila nagbabayad since March, kami ay open sa pakiusap kung ano ang gusto nilang gawin, if they want to settle, or come up with a settlement,” ani Zaldarriaga.

Imahe mula sa Meralco

Noong Oktubre ay pumayag ang Meralco sa hiling ng ERC na palawigin pa hanggang katapusan ng 2020 ang moratorium sa pagpuputol ng mga household na hindi pa nakakapagbayad sa loob ng ilang buwan dahil na rin sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Samantala, kaugnay nito, posibleng bumaba ang bayarin sa kuryente ngayong buwan dahil sa mababang demand bunsod na rin ng sunod-sunod na sama ng panahon at bagyo.

Bumaba umano ang power rates ng P0.0352 kada kilowatt-hour ngayong buwan at nangangahulugan ito na mababawasan ng P7.00 ang billing ng mga kumukunsumo ng 200 kWh kada buwan.

Tiniyak din ng Meralco na hindi nila prayoridad sa kasalukuyan pagpuputol bagkus ay ang paghahatid ng serbisyong inaasahan ng mga konsyumer mula sa kanila.

Loading…