Mga magulang na-shock sa inorder ng 3 years old na anak sa Shopee

Imahe mula kay Marloue Napiñas Mahumot
  • Na-shock ang mga magulang ng 3-years old na bata na umorder ng mga laruan sa Shopee
  • Umabot sa mahigit apat na libong piso ang halaga ng inorder ng batang si Nathan
  • Isang rechargeable toy motorcycle at isang toy backhoe na may pedal ang inorder ng bata

Laking gulat ng ina at mga kaanak ng batang paslit sa Bohol nang dumating sa kanilang tahanan ang mga inorder ng bata mula sa isang online store sa Shopee.

Imahe mula kay Marloue Napiñas Mahumot

Batay sa kuwento ng tiyuhin, nagpaalam naman noong December 8 ang kanyang tatlong taong gulang na pamangkin na si Nathan Pana sa nanay nito, na noon ay abala sa pagdedekorasyon ng kanilang tahanan para sa pasko, na oorder ito sa Shopee.

“Mama Len order ko sa Shopee,” sabi raw ng paslit sa ina nito.

Hindi naman sineryoso ng nanay ang sinabi ng anak dahil hindi niya inaakala na marunong na itong umorder sa online shopping platform dahil sa murang edad nito.

Noong December 20 ay nakatanggap ng tawag ang nanay ni Nathan mula sa delivery rider na parating na ang inorder niya. Noong una ay hindi raw niya pinansin ang message ng rider dahil baka nagkamali lang. Wala naman kasi siyang inorder.

Ngunit laking gulat nila nang dumating ang malaking package na dala ng delivery man. Ginamit pala ni Nathan ang Shopee account ng ina sa pag-order ng mga laruan – isang rechargeable toy motorcycle at isang toy backhoe na may pedal.

Imahe mula kay Marloue Napiñas Mahumot

Sabi ng tiyuhin ni Nathan, kapag umoorder ang nanay nito sa Shopee ay palagi raw nakamasid ang bata, pero hindi nila akalaing matututunan nito ang proseso ng pag-order.

Gusto sana nilang i-cancel ang order, pero nakiusap daw ang delivery rider na huwag kanselahin dahil nahirapan daw siya sa pag-deliver ng malalaking kahon ng laruan.

Walang nagawa ang buong pamilya kundi mag-ambagan upang mabayaran ang mga inorder ni Nathan na umabot ang halaga sa mahigit apat na libong piso.

Imahe mula kay Marloue Napiñas Mahumot

Hindi na raw nila nagawang pagalitan si Nathan dahil “sweet” na bata naman daw ito. Sabi nila dapat magsilbing aral sa mga matatanda ang nangyari. Dapat umanong ilayo sa mga bata ang cellphone dahil marurunong na ang mga bata ngayon sa paggamit ng mga gadgets.

Imahe mula kay Marloue Napiñas Mahumot

Loading…