Mga menor de edad sa Quezon City pinagbawalang lumabas ng bahay 24/7

Imahe mula sa Quezon City government
  • Bawal nang lumabas ng bahay ang mga menor de edad sa Quezon City
  • Sa ilalim ng Quezon City Special Protection of Children against COVID-19 ang mga menor de edad ay kailangang manatili sa loob ng bahay tuwing Children Protection Hours o 24 hours a day, seven days a week
  • Mayroong ilang exemptions na ibinigay ang ordinansa

Sa ilalim ng bagong ordinansa na pinirmahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang mga menor de edad o ang mga batang ang edad ay 17 years old pababa ay hindi na papayagang lumabas ng kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa Quezon City government

Sa ilalim ng Ordinance No. S-2985, S-2020 o ang Quezon City Special Protection of Children against COVID-19 ang mga batang below 18 years old ay kailangang manatili sa loob ng bahay tuwing Children Protection Hours o 24 hours a day, seven days a week.

Ang ordinansa ay batay umano sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Philippine Pediatric Society.

“Ang Ordinansang ito ay batay sa rekomendasyon ng mga dalubhasa sa Philippine Pediatric Society na kailangang manatili ang mga menor-de-edad sa mga tahanan dahil malaki ang tsansa na sila’y mahawa. Ang kautusang ito ay para na rin sa kapakanan ng ating mga kabataan upang hindi na malagay sa panganib ang kanilang buhay,” pahayag ni Mayor Belmonte.

Ayon sa ordinansa na inakda nina Majority Floor Leader Franz Pumaren at mga city councilors na sina Donato Matias, Eric Medina, Victor Ferrer at Shaira Liban, hindi maaaring magpagala-gala o umistambay ang mga menor de edad sa mga pampublikong lugar kahit na may kasamang magulang o guardian.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Kabilang sa mga tinutukoy na public places ay ang mga lansangan, bakanteng lote, parking lot, sa loob at palibot ng simbahan, sa mga shopping malls, sinehan at iba pang katulad na establisimyento.

May ilang exemptions naman sa ordinansa tulad:

  • Trabaho na kailangan ang kanilang pisikal na presensya basta kasama ang magulang o guardian
  • Magpapagamot o check up basta kasama ang magulang o guardian
  • Mga aalis para sa international o domestic na biyahe na patutunayan ng pre-booked tickets, basta kasama ang magulang o guardian
  • Kung kailangang bumili ng mahahalagang pangangailangan at walang nakatatanda na maaaring gumawa nito maliban sa menor de edad at
  • Ang tumutugon o nakararanas ng emergency situation
Imahe mula sa PNA

Ang mga magulang ng  menor de edad na lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng mula P300 hanggang P1,000.

Ang mga mahuhuling menor de edad ay ibibigay sa pangangalaga ng Barangay Council for the protection of Children kung saang barangay sila nakita at kailangang sumailalim sa counselling bago ibigay sa mga magulang o guardian.

Pagmumultahin din ang mga establisimyentong magpapapasok ng mga menor de edad.

 

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Loading…