Mga pasaway na nagbibisikleta sa EDSA nahulicam; MMDA walang power na tiketan sila

Imahe mula kay MMDA EDSA traffic czar Bong Nebrija
  • Mga nagbibisikleta na tumatawid sa EDSA na tila nakikipagpatintero sa mabibilis na mga sasakyan, nahulicam
  • Karamihan sa mga siklista ay walang suot na mga safety gears at ang iba ay naka-tsinelas lang
  • Walang magawa ang MMDA kundi pagsabihan na lang ang mga ito dahil ang local enforcement daw ang deputized na manghuli ng jaywalking

Marami na ang mga mamamayang gumagamit ng bisikleta sa pagparoo’t parito sa patutunguhan dahil sa kakulangan ng public transportation na resulta ng ipinatutupad na health protocols bunsod ng pandemya, subalit marami sa mga siklista ang hindi nag-iingat na posibleng pagsimulan ng mga aksidente.

Screenshot mula sa GMA video

Ipinakita sa isang video na ibinahagi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic czar Bong Nebrija ang mga siklista sa kahabaan ng EDSA na animo ay nakikipagpatintero sa mga mabibilis na sasakyan at tila hindi alintana ang kanilang sariling kaligtasan at ng ibang motorista.

Nakunan din ng video ang isang siklista na hindi tumitingin sa kanyang harapan kaya nabangga niya ang likuran ng isang bus na nakahinto.

Karamihan sa mga siklista ay walang suot na helmet at reflectorized vest. Ang ilan sa kanila ay nakasuot lang ng tsinelas.

Pinuna ni Nebrija ang buwis-buhay na pagbisikleta ng mga ito.

Walang magawa ng mga traffic enforcers ng MMDA kundi pagsabihan na lang dahil wala raw silang karapatang hulihin ang mga siklistang nagka-counterflow at tumatawid sa EDSA dahil hindi sakop ng kanilang pag-iisyu ng citation ticket ang “jaywalking” ng mga naka-bike. Ang local enforcement daw ang deputized na manghuli ng jaywalking.

Screenshot mula sa GMA video

“Kaya kanina ang nagagawa na lang namin pagsabihan ‘yung iba, pabalikin sa footbridge o kaya pabalikin kung saan nanggaling. That’s all that we can do,” paliwanag ni Bong Nebrija.

Kawalan ng disiplina ang nakikitang ugat ng ganitong pag-uugali sa kalsada. Kahit daw maglagay sila ng mga singages na nagsasabing bawal tumawid ay ginagawa pa rin dahil matagal na itong nakasanayan.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Loading…