Mga Pinoy frontliners binigyang-pugay ng South Korea

  • Kinilala ng South Korea ang mga Pinoy frontliners
  • Kinabibilangan sila ng dalawang nurse, isang guro, at isang jeepney driver
  • Ang mga frontliners ay sinomang nagtatrabaho o gumaganap pa rin ng kanilang mga tungkulin sa kabila ng panganib na dulot ng COVID-19

Pinarangalan ng Korean Cultural Center o KCC ang isang Pinoy na nurse, driver, at guro bilang mga frontliners na nagpamalas ng kanilang dedikasyon sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa kabila ng global pandemic.

Sa opsiyal na pahayag ng KCC, ginawa nila ito upang magbigay ng inspirasyon at “lubusang paggaling” sa pamamagitan ng K-Healing Packages na iginawad sa mga piling frontliners, na maikakategorya ngayon bilang mga makabagong bayani.

Public Domain Image

Ang Pinay nurse na nakabase sa Davao na si Mae Joy Cruspero, na lilipad sana sa bansang New Zealand upang sundan ang kaniyang kapatid, ay nagpasyang maglingkod sa isang lokal na ospital dahil naniniwala siyang kinakailangan nang higit ang kaniyang serbisyo rito.

“This is my passion, this is the job that I’ve chosen for myself. I’m here to serve the people, give back to the community, and serve my parents,” saad ni Cruspero. Inamin niyang ilang beses na siyang sinabihan ng kaniyang kapatid na iwanan na ang pagiging nurse dahil sa panganib na dulot ng pagseserbisyo ngayon sa mga ospital.

Ang isa pang Pinoy frontliner na kinilala ay si Romeo Subio na isang jeepney driver sa Butuan City, na nagsagawa ng karpinterya at pagkukumpuni ng mga sasakyan, matapos na mawalan ng pagkakataong makapamasada dahil sa mga ipinatupad na community quarantines, na nagsimula noong Marso.

Si Mam Evelyn Setias naman na isang pampublikong guro sa  West Fairview Elementary School, ay nagawang mabalanse ang pagiging isang maybahay, ina, at guro sa mga mag-aaral; kahit na kulang na siya sa tulog, pinipili pa rin niyang maghanda para sa kaniyang mga klase, at matulungan ang mga mag-aaral para sa kanilang pag-aaral.

Public Domain Image

Isa pang Pinay nurse na nagngangalang Beverly Mae Manansala, ang naging nominee na naglilingkod naman sa OB Department of Adventist Medical Center Manila, na piniling magtungo araw-araw sa ospital upang gampanan ang kaniyang tungkulin, sa kabila ng panganib na maaaring makakuha siya ng virus sa daan.

Pinauwi niya ang kaniyang dalawang anak at ang inang senior citizen sa kanilang lalawigan upang hindi manganib na makakuha ng virus mula sa kaniya, kung sakali mang maiuwi niya ito.

Pagbati sa ating mga Pinoy frontliners!

Loading…