Mga turista sa Boracay na nagprisinta ng pekeng COVID-19 test results nabuking; isinailalim sa 14-day quarantine

Imahe mula sa UNTV
  • Nabuking ng mga awtoridad sa Boracay Island na peke ang COVID-19 test results na iprinisinta ng anim na turista mula sa Metro Manila
  • Ang negative RT-PCR test result ay isa sa mga requirements bago makapasok sa Boracay Island ang mga turistang hindi taga-Aklan
  • Isinailalim sa mandatory 14-day quarantine ang anim na turista at sasampahan din ng kasong paglabag sa RA 11332 at falsification of public documents

Anim na magkakaibigan ang nahaharap ngayon sa mga kaso dahil sa pagpiprisinta ng pinekeng resulta ng COVID-19 test upang makapasok sa Boracay Island sa Aklan.

Imahe mula sa TTG Asia

Isa sa ipinatutupad na patakaran sa pagbisita sa Boracay ng mga hindi residente ng Aklan ay ang negatibong resulta ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) na na-release 72 hours bago magtungo doon at dapat ay may confirmed hotel booking. Kailangan din muna ng online registration sa isang website upang mabigyan ng QR code na kailangan bago makapasok sa isla.

Sa anim na test results na isinumite ng magkakaibigan, isa lang ang tunay. Ang limang iba ay peke.

Tinawagan ng mga awtoridad ang Safeguard DNA Diagnostics Incorporated, na Department of Health-accredited molecular microbiology laboratory sa Mandaluyong City, na nagsagawa ng testing at nakumpirma na isa lang ang tunay na test result na iprinisinta ng magkakaibigan.

“Hindi natin papayagan na mangyari ito. We have a strict warning sa mga turista: sundin natin ang mga guidelines at mga patakaran,” sabi ni Aklan police director Colonel Esmeraldo Osia, Jr.

Imahe mula sa Radyo Todo

Ang anim na turista na galing sa Metro Manila ay dumating sa Boracay noong Dcember 5 at nakatakdang umuwi noon sanang Dcember 8, subalit dinala sila ng mga awtoridad sa Aklan Training Center sa Old Buswang, Kalibo para isailalim sa mandatory 14-day quarantine.

Sasampahan ng paglabag sa Republic Act No. 11332  o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at falsification of documents ang anim na turista.

Loading…