Naaalala mo pa ba ang “B’T X?”

  • Naaalala mo pa ba ang “B’T X?”
  • Ito ay isang anime series na sumikat noong 90s, na hinango naman sa manga
  • Ang bida rito ay nagngangalang “Teppei Takamiya” at ang B’T naman ay si X

Aminadong-aminado ang mga batang 90s na wala yatang kabataan noon na hindi nanood ng mga anime. At kung anime din lamang ang pag-uusapan, isa sa mga hindi malilimutang anime series ang “B’T X.”

Iyan ang binalikan ng isang netizen na si “Allen Gonzales” sa Facebook page na “We are 90s (Kami ang Batang 90s)” kung saan ibinahagi niya ang larawan ng B’T X, na naghatid naman ng nostalgia sa mga sumubaybay nito noon sa telebisyon, na sumailalim sa dubbing sa wikang Filipino.

Public Domain Image

“Batang 90s ka talaga kung kilala mo si TP (Teppei) Takamiya at X na alaga ni Karen. Sino po sa inyo ang nakakaalala sa kanya?” ayon sa caption ng Facebook post.

Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng kanilang komento hinggil dito.

“Ito ang dahilan kung bakit agad akong umuuwi mula sa paaralan noon tuwing hapon: para mapanood ang anime na ito! Tapos paborito ko rin ang Zenki,” saad ng isa.

Wika naman ng isa, “Panalo ‘to! Hahaha. sa ABS-CBN ito pinapanood noon, tuwing 4:00 ng hapon, anime o cartoons time na! Naalala ko pa yung kanta nila, Naglalakbay ako, Patungo sa kawalan Upang suungin ko pangarap sa buhay…”

“Yes naman! Bukod kay X, paborito ko rin sina B’T Max saka si Shadow X! Hay… sana naman ibalik ang mga anime sa hapon, kaysa sa mga teleserye na puro na lang kabitan at paghihiganti ang mga tema,” pahayag naman ng isa.

Salaysay naman ng isa, “Itong palabas na ito ang dahilan kung bakit naligaw ako at hndi nakauwi sa amin, kinder pa ako nito, hindi ko pa gaanong alam ang pauwi sa kamamadali ko hindi ko na hinintay yung magsusundo sa akin… natagpuan na lang ako sa ibang barangay, hinanap ako ng mga magulang ko hahaha.”

Public Domain Image

Ang B’T X ay nagsimula muna bilang manga series bago ito ginawang anime. Ang pangalan ng pangunahing tauhan dito ay si Teppei Takamiya, at ang robot na flying horse naman ay si X.

Ang mga B’T, na binibigkas bilang “beat” sa Japanese version at “bit” naman sa English dub, ay mga artificial intelligence mechanoid na hinahango naman sa mga mythological creatures, na sadyang dinesenyo para sa pakikipaglaban.

Loading…