Nakainom ka na ba ng malinis na tubig mula sa “bukal?”

  • Napag-usapan ng mga netizens ang isang larawan sa isang Facebook page
  • Makikita rito ang isang uri ng anyong-tubig: ang bukal o spring sa Ingles
  • Ang bukal ay pinagmumulan ng tubig at ang anyo ng tubig na sumusulpot mula sa mga siwang ng bato

Ang tubig ay biyaya ng buhay sa santinakpan. Halos lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng tao ay may kinalaman sa tubig: paggising sa umaga, kailangang maghilamos, magsepilyo, maligo, magbawas, at uminom upang patuloy na lumakas at mabuhay. Sa katunayan, malaking bahagdan ng katawan o sistema ng tao ay kinapapalooban ng tubig.

Bukod sa karagatan, ilog, sapa, talon, at look, isa pa sa mga kilalang anyong-tubig ay ang mga batis o bukal. Iyan ang itinampok sa Facebook page na “Batang Pinoy Kadekada – 60’s to 90’s” kung saan makikita ang isang larawan ng bukal.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy Kadekada – 60’s to 90’s

“Dito pwede kang uminom, galing ito sa bundok kaya malinis ang tubig. Walang bill,” ayon sa caption.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Oo tama nga… malinis pa ang bukal noon, yung hindi pa masyadong polluted ang hangin at ang tubig dahil na rin sa kagagawan ng mga tao. Sana nga may bukal pa ngayon,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Nakainom na ako ng tubig sa bukal, at talaga ngang masarap. Manamis-namis. Ngayon kasi hindi mo tiyak kung malinis pa ba ang tubig.”

“Yes, masarap magbabad sa mga hot spring sa Laguna!” bida naman ng isa.

Ang bukal ay pinagmumulan ng tubig at ang anyo ng tubig na sumusulpot mula sa mga siwang ng bato. Karaniwan itong matatagpuan sa mga dalisdis ng bundok o sa mga pook na may bulkan.

Kadalasang naglalaman ng mga mineral ang tubig nito na sinasabing nakatutulong sa pagpapagalíng ng iba’t ibang karamdaman, tulad ng sakit sa balat at rayuma. Mainit ang tubig ng bukal na malapit sa bulkan at malamig naman sa ibang lugar.

Public Domain Image

Naiiba ang bukal (spring sa Ingles) sa batis (stream), ang daloy na nagmumula sa munting ilog na nabubuo sa ganitong paraan, at sa sapa (creek), na mas maliit at mas mababaw na batis.

Iba-iba ang laki ang bukal: may mga bukal na mahina lamang ang tagas ng tubig, at may mga bukal na bumubulwak ang tubig. May mainit at malamig ding bukal.

Ilan sa mga tanyag na mainit na bukal ay matatagpuan sa Albay, Laguna,  Benguet; at pulo ng Camiguin. Ilan naman sa mga tanyag na malamig na bukal ay matatagpuan sa Aklan, Antique, Lanao del Norte, at Bukidnon.

Loading…