Nakamamanghang transpormasyon ng palaboy na si Berta dahil sa malasakit ng kapwa

Screenshot mula sa KMJS video
  • Binalikan ng KMJS ang kuwento ng palaboy sa Cebu City na si Berta na nag-viral noon
  • Sa pamamagitan ng isang vlogger at ng KMJS ay nalaman ang tunay na katauhan ni Berta
  • Malaki na ang ipinagbago ni Berta mula nang matulungan siya

Ilang buwan na ang nakalilipas, isang video ang kumalat sa social media tampok ang isang palaboy sa Cebu City na matatas magsalita ng wikang Inggles at mahilig magbitaw ng mga linyang parang pang-telesine kaya naman kinagiliwan siya ng mga netizens at ang video ay agad nag-viral.

Screenshot mula sa KMJS video

Siya si Berta. Mababanaag sa kanyang hitsura at pananalita na wala siya sa sariling katinuan. Isang vlogger ang nakakilala at tumulong sa kanya. Kasama ang pangkat ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) ay inalam nila ang tunay na katauhan ng palaboy.

Natagpuan nila sa Barangay Sambag 2 sa Cebu City ang kapatid ni Berta na Evangeline ang pangalan at dito na nila nakilala kung sino talaga si Berta.

Ayon kay Evangeline, masalimuot daw ang mga naging karanasan nila sa buhay. Maaga silang naulila sa ina at ang ama naman ay manginginom. Ang mga kaanak nila ang nagpaaral kay Berta na ang tunay na pangalan ay Roberto Plando. Nakapagtapos pala ito ng kursong Education, major in English at minor in Filipino.

Sa katunayan ay nakapagtrabaho pa si Berta bilang isang teacher. Isang dati niyang estudyante ang nagsabi na nagturo rin ito ng Religion.

Screenshot mula sa KMJS video

Sinabi ni Evangeline na nabago ang ikot ng buhay ni Berta nang magkaroon ito ng boyfriend na nagturo sa kanya na magbisyo. Ito pala ang kuwento sa likod ng litanya niyang tila hinugot sa teleserye habang pagala-gala sa lansangan ng Cebu city.

“Gigil na gigil ako sa ‘yo mula nang winasak mo ang kalangitan ko mula Region 7 hanggang Region 31. Masakit ang ginawa mo sa akin. Ginulo mo ang isip ko. Sinira mo ang kinabukasan ko at higit sa lahat pinapunta mo ako sa bisyo…” ang nag-viral na litanya ni Berta na binibitawan sa mga nakakasalubong niya.

Screenshot mula sa KMJS video

Isang araw ay nag-krus ang landas nila ng vlogger na si Anton, na may mabigat ding pinagdaraanan.

Galing si Anton sa simbahan at humingi ng palataandaan mula sa Diyos na malalampasan niya ang bigat ng dinadala. Paglabas ng simbahan ay nakita niya si Berta. Ramdam niya na ang palaboy ang kasagutan sa hiling niya.

Kinaibigan niya ang inggliserong palaboy. Three times a week sila nagkikita para kumain at mag-usap. Nagpasiya ang vlogger na tulungan ang bagong kaibigan. Sa tulong ng KMJS, humingi siya ng pahintulot kay Evangeline na maipasok si Berta sa isang rehabilitation center.

Screenshot mula sa KMJS video

Noong nakaraang buwan ng Oktubre isinagawa ang pag-rescue kay Berta. At makalipas lang ang maikling panahon ay napakalaki na ng ipinagbago niya. Malinis ang pananamit at kalmado na ang isip. Amazing chance, ‘di ba?

Panoorin ang KMJS video at tunghayan ang transpormasyon ni Berta:

Loading…