‘Nawawalang load’, atras-abante sa barrier: Mayor Gatchalian inilabas ang mga reklamo vs. RFID

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Inilabas ni Mayor Gatchalian ang ilang reklamong natanggap tungkol sa RFID system
  • Kabilang na umano rito ang ‘nawawalang load’ at atras-abanteng sasakyan pagdating sa barrier
  • Inamin naman ng NLEX Corp. na nagkakaproblema sila sa implementasyon ng bagong sistema

Matapos suspindehin ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation dahil sa problema sa RFID system, inilabas naman ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga reklamong natatanggap niya umano kaugnay nito.

Sa panayam ng Teleradyo kay Gatchalian, napilitan siyang kanselahin muna ang permit ng NLEX Corp. dahil sa napakabigat na trapikong idinulot ng ipinatutupad na cashless toll system sa kanilang lugar, particular na ang mga rutang papunta ng Balintawak exit.

Anang alkalde, walang pinagkaiba ang RFID na ginagamit ngayon kumpara sa RFID na ginamit ilang taon na ang nakararaan.

Imahe mula sa Facebook- Mayor Rex Gatchalian

“Three years ago pinasok itong technology na ito, the same, ‘yung pag lalapit ka sa mismong barrier mag-chachacha muna ‘yung sasakyan mo, atras-abante bago ka makadaan. Hindi ‘yung sensor ang humahanap sayo kundi ikaw ang humahanap sa sensor eh,” paliwanag ni Mayor Gatchalian.

Bukod dito, marami din umanong reklamo tungkol sa ‘nawawalang load’ na nagdudulot ng pagkaantala ng biyahe ng mga motorista.

“Pangalawa, ‘yung mga nawawalang load. Minsan kakaload mo lang, paggamit mo, sasabihin low balance ka na or zero balance. That problem has been ongoing for the past seven years pero ngayon lang talaga nila gustong aksyunan,” wika pa ng alkalde.

Inamin naman ng pamunuan ng NLEX Corp. ang problema sa pagpapatupad ng cashless system subalit bukas naman daw silang pag-usapan ang solusyon sa trapikong idinulot nito sa Valenzuela City.

Imahe mula sa Business Mirror

“Yung implementation naman po natin was not without problems. Gusto ko na rin kunin ‘yung pagkakataon, at talagang tinatanggap po natin at ina-acknowledge natin na may technical problems. Pero ‘yung mga problema natin, tinutugunan naman po natin,” ayon kay Atty. Romulo Quimbo Jr., the chief communications officer of Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang ng NLEX Corp.

Para naman kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nauunawaan niya umano ang ginawang hakbang ni Gatchalian subalit iginiit ng kalihim na mayroong ‘mas maayos na paraan ‘ para gawin ang isang bagay.

Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye si Año kung anong paraan ang kaniyang ibig sabihin.

Loading…