NCAP inilunsad ni Yorme kontra sa mga pasaway na lumalabag sa batas-trapiko sa Maynila

Imahe mula sa Manila PIO
  • Inilunsad ni Yorme ang NCAP kontra sa mga pasaway na motorista sa mga lansangan ng Maynila
  • Nagpakalat ng 36 cameras sa iba’t ibang bahagi ng Maynila upang bantayan 24/7 ang mga lansangan sa mga motoristang mahilig lumabag sa batas-trapiko
  • Tiyak daw na magiging disiplinado ang mga motorista kapag nalaman na may mga camera na 24/7 na nagbabantay sa kanilang pagmamaneho sa Maynila

Araw-araw sa loob ng bente kwatro oras ay mababantayan na ang mga pangunahing kalsada sa loob ng Lungsod ng Maynila kontra sa mga pasaway na  mga motorista na mahilig lumabag sa batas-trapiko kasunod ng pormal na paglulunsad ng No Contact Apprehension Program (NCAP).

Imahe mula sa Manila PIO

Pinangunahan ni Mayor Isko “Yorme” Moreno ang pormal na paglulunsad ng programa sa panulukan ng Taft Avenue at Quirino Avenue sa Malate. Sa ilalim ng NCAP ay nagpakalat ang city government ng 36 cameras sa iba’t ibang lugar sa Maynila upang bantayan ang mga lansangan sa mga pasaway na motorista.

Sa mga darating na araw ay madaragdagan pa umano ang mga camera.

Layunin ng NCAP na maitimo sa mga motorista ang self-discipline, na aniya ay susi sa pag-asenso ng bayan. Tiyak daw na matatakot na ang mga motoristang walang dispilina sa kalye kapag nalamang may mga camera na nakabantay sa kanila anumang oras.

“Bente kwatro oras, 7 days a week, 365 days a year, meron pong traffic enforcer kaya lamang technology camera. Then pictures will be taken to those vehicular traffic violators and bills will be sent to your respective home. So whether you are from Mindanao, Visayas, Northern Luzon, Southern Luzon o Metro Manila anytime you pass by Manila isipin niyo lagi may nakabantay sa inyong pamahalaan,” ani Yorme.

Imahe mula sa Manila PIO

Dagdag pa ng alkalde, “When discipline is strong among motorists, maiiwasan ang lokohan at aksidente sa daan. With NCAP, isang kuha lang ng camera ‘yan, mahuhuli ang violators, kaya walang kawala ang mga lumalabag sa batas. Yari kayo.”

Nakasaad sa Ordinance number 8696 o ang No Contact Apprehension program na P2,000 na multa ang ipapataw sa unang paglabag, 3,000 sa ikalawang paglabag at 4,000 sa ikatlong paglabag para sa mga mahuhuli sa lalabag sa traffic signs, obstruction sa pedestrian lane, over-speeding, hindi pagsusuot ng helmet para sa mga nagmomotorsiklo at sa pagbalewala sa mga lane markings.

Sa pag-counterflow, reckless driving, hindi nagsusuot ng seatbelt, anti-distracting driving, hindi rehistrado angminamanehong sasakyan at walang nakakabit na authorized license plate ang sasakyan ay may multang P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense at P5,000 sa third offense.

Imahe mula sa Manila PIO

Ang Notice of Violation ay ipadadala sa bahay ng rehistradong may-ari ng sasakyan sa loob ng dalawang linggo matapos ang paglabag.

Hindi umano maaaring balewalain ang Notice of Violation dahil kapag hindi nagbayad ng multa ay hindi mapapa-renew ang rehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office at papatawan pa ng karagdagang multa.

Source :

ABS-CBN

Loading…