Negosyante kinumpirma ang secret COVID-19 vaccination na nagaganap sa bansa

Imahe mula sa Pixabay
  • Kinumpirma ng isang negosyanteng Pinoy ang nagaganap na secret COVID-19 vaccination sa bansa
  • Marami na umano silang nabakunahan ng vaccine na gawa ng China
  • Nagbabala naman ang Palasyo at FDA sa pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine na hindi pa rehistrado

Isang pinoy businessman ang umamin na nakapagpabakuna na siya laban sa COVID-19 sa isang lihim na lugar dito sa bansa.

Imahe mula sa Pixabay

Noong Nobyembre pa umano siya nabakunahan sa bahay ng isa niyang kaibigan. Galing daw sa China ang COVID-19 vaccine. Isang nurse at isang doktor, na kapwa Pilipino, ang nagbakuna sa kanya.

“’Yung ginamit ko made in China, kasi nga nagbibiruan kami, sabi ko siguro ito ‘yung effective kasi dun nagsimula ‘yung virus eh,” sabi ng negosyante na itinago ang pagkakakilanlan.

Ikinuwento pa niya na nag-research muna siya bago pumayag na maturukan ng China-made vaccine upang matiyak na ligtas iyon gamitin. Tinanong daw muna niya ang mga kaibigang nauna nang nabakunahan at inalam ang kondisyon ng mga ito.

“Hindi ko naman ito dinesisyunan agad-agad pagkasabi sa akin na available na, pare, ang vaccine dito… inalam ko rin. Tinanong ko ‘yung mga pinakamatagal na gumamit, hanggang ngayon naman okay ang hitsura nila,” aniya.

Wala naman daw side effect na naramdaman ang negosyante at pati mga kaibigan niya na pawang mga negosyante rin matapos silang maturukan ng bakuna nang dalawang beses na dalawang linggo ang pagitan bawat bakuna.

Imahe mula sa Pixabay

“After two weeks babalik ka ulit para yung second bakuna mo, kasi oobserbahan kung may violent reaction sa katawan mo, nilagnat ka ba or may something na nangyari. Sa akin wala naman, ‘yung mga kaibigan ko wala naman, sa grupo namin wala,” aniya.

Naniniwala siya na hindi sila na-scam lang at hindi placebo ang ibinigay na vaccine. Ang bakuna raw na ibinigay sa kanila ay ang COVID-19 vaccine brand na mainit na pinag-uusapan ngayon sa bansa.

Ang isa pa raw na nakapagkumbinsi na magpabakuna siya ay nang sabihin sa kanya ang pangalan ng isang senador na nagpabakuna na rin.

Nilinaw ng negosyante na wala siyang hangad na hindi respetuhin ang pamahalaan na hanggang ngayon ay nasa proseso pa lang ng pagbili ng COVID-19 vaccine.

Imahe mula sa The Straits Times

“Ang amin lang dito, ‘yung mga mayayamang bansa, ‘yung mga neighboring countries natin dito sa Asya meron na, bakit sa atin nagtatagal? Sa amin lang naman dito, we need to protect the business. ‘Yung economy natin dapat nang gumalaw,” paliwanag niya.

Samantala, nagbigay ng babala ang Malacañang Palace at ang Food and Drug Administration sa publiko laban sa pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine mula sa black market dahil hindi pa umano rehistrado ang mga ito at walang katiyakan ang pagiging ligtas nito para gamitin.

Nauna nang kumalat sa balita ang hindi awtorisadong vaccination na nagaganap umano sa Binondo, Maynila. Ipinag-utos na ni Mayor Isko Moreno ang masusing imbestigasyon hinggil dito. Isiniwalat din noon ni Senator Tito Sotto na nakapagpabakuna na raw si Senator Ping Lacson.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno Domagoso

BASAHIN: Sen. Tito Sotto, ibinulgar na nauna nang nagpaturok ng COVID-19 vaccine si Sen. Ping Lacson

Loading…