NLEX Corp. maghahain ng malinaw na ‘action plans’ para solusyunan ang aberya sa RFID

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nangakong maghahain ng konkretong solusyon ang NLEX Corp. sa problema sa RFID
  • Sasagutin umano nila ang sulat ni Mayor Rex Gatchalian
  • Nakiusap din ang mga alkalde ng Bulacan na ibalik muna ang ‘cash lanes’

Nangako ang NLEX toll operator na NLEX Corporation na maglalatag ito ng konkretong solusyon sa dambuhalang trapik na resulta ng aberya sa ipinatupad na RFID system.

Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ng kumpanya na natanggap na nila ang sulat mula kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian kung saan nasasaad dito ang mga hakbang na dapat gawin upang ma-lift ang suspension ng kanilang business permit.

Imahe mula sa Facebook- Mayor REx Gatchalian

Dahil dito, nangako ang NLEX Corp. na sasagutin nila ito sa isang sulat din kung saan umano ihahain nila ang malinaw at konkretong action plan nitong Huwebes.

“As detailed in our previous communications with him, we have prepared our action plans to address these concerns. We will reply to the letter indicating our clear and concrete solutions tomorrow, December 10th,” wika ng NLEX Corp.

Bukod dito, nangako rin ang toll operator na bibgyang-solusyon din nila ang iba pang problema tulad ng “RFID stickers that easily wear out, sensors that cannot promptly read RFID stickers, and missing load.”

Imahe mula sa Business Mirror

Bagama’t inamin na dati ng kumpanya ang kanilang mga pagkukulang at nangakong aayusin ang serbisyo, iginiit din ng NLEX Corp. na hindi lang ang implementasyon ng RFID system ang dahilan ng katakot-takot na traffic sa lugar.

Isa rin umano sa nag-ambag sa trapik ay ang pagdagsa ng mga trak at pribadong sasakyan papasok ng Kamaynilaan mula sa mahabang holiday, at maging ang ‘build-up’ din umano dahil sa pagsapit ng Kapaskuhan.

Samantala, kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang League of Municipalities of Bulacan bilang suporta sa naging desisyon ni Mayor Gatchalian.

Imahe mula sa Twitter/ Raffy Sison Santos

Anila, maging ang kanilang mga bayan ay lubhang naapektuhan din, kaya hinihiling ng mga alkalde ang pagbabalik ng cash toll booth.

“Kaming mga halal na Punong Bayan ng iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan ng Bulacan ay… hinihiling na maglagay muna ng ‘cash lane’ upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga toll plazas na labis na nakaapekto sa mga motorist at biyahero,” ayon sa pahayag.

Marapat lang umano na ibalik pansamantala ang ‘cash lanes’ upang maibsan ang trapik hangga’t hindi pa naayos ang sistema.

Loading…