‘No major lapse’: Palasyo muling dinepensahan si Duque sa alegasyong ‘dropping the ball’

Imahe mula sa Tribune
  • Muling ipinagtanggol ng Palasyo si Health Secretary Duque sa naudlot na Pfizer deal
  • Wala umanong nakikitang ‘major lapse’ ang Pangulo dito
  • Umaasa naman si Senador Pangilinan na walang issue ng ‘kickvacc’ sa panibagong kontrobersiya

Walang nakikitang malaking kapabayaan ang Palasyo sa naging partisipasyon ni Health Secretary Francisco Duque sa naunsiyaming Pfizer vaccine deal sa kabila ng batikos ng ilang mambabatas.

Sa ginanap na press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Huwebes, ibinahagi nitong pinasasagot umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Duque ang mga alegasyon ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., “in the same manner that he defended himself in yesterday’s meeting–very lively, animated, emotional.”

Imahe mula sa PCOO

Pakiusap ni Roque, hintayin na lang muna ang magiging paliwanag at kasagutan ni Secretary Duque tungkol dito.

“But I think from the overall demeanor of the President, wala naman po siyang nakikitang major lapse dahil ang pinag-uusapan po ay kontrata at hindi naman po abogado po is Secretary Duque,” pahayag ni Roque.

“At wala rin pong danyos na nangyari because patuloy pa rin po ang pagkuha natin ng Pfizer,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Imahe mula sa PCOO

Ayon pa kay Roque, mag-away na ang lahat subalit malinaw umano sa direktiba ng Pangulo na si vaccination czar Carlito Galvez lamang ang may kapangyarihan para bumili ng COVID vaccine. Anuman ang naging magkasalungat na opinyon ni Locsin at Duque sa usapin ay wala na umanong halaga.

Kickvacc?

Samantala, umaasa naman si Senador Kiko Pangilinan na walang opisyal na makikinabang sa naudlot na Pfizer deal.

“Huwag naman sana na may issue ng ‘kickvacc’ sa dropping of the ball ng Pfizer vaccine procurement,” ani Pangilinan sa isang pahayag nitong Huwebes.

Maaari umanong sampahan ng kasong graft ang sinumang mapatutunayan na may kapabayaang nangyari sa kanilang trabaho.

“If it can be proved that the refusal to act within a reasonable time was intended to favor another party, then Section 3f of the Anti-Graft Law applies,” giit pa ng senador.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Kiko Pangilinan

Nauna nang sinisi ni Senador Ping Lacson si Duque  na siyang dahilan daw kung bakit hindi natuloy ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Pfizer para makabili ng bakuna na dapat ay darating na sa Enero.

“The more important question is, how many lives would be saved between January and when (if at all) the vaccines may be made available again to Filipinos,” panghihinayang ni Lacson.

Matagal nang inirerekomenda ng Senado sa Malakanyang na tanggalin sa puwesto si Duque dahil sa diumano’y ‘failure of leadership’ nito noong kasagsagan ng usapin sa Philhealth scam.

Loading…