Nonito Donaire nagpositibo sa COVID; laban vs. Rodriguez ngayong Disyembre ‘di matutuloy

Imahe mula sa BadLeftHook.com
  • Nagpositibo sa COVID-19 si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire
  • Dahil dito, hindi na matutuloy ang kaniyang laban ngayong buwan kontra Emmanuel Rodriguez ng Puerto Rico
  • Noong nakaraang buwan ay nabago rin ang laban matapos magpositibo sa virus ang unang makatutunggali sana ni Donaire na si Nordine Oubaali

Hindi na matutuloy ang laban ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire na nakatakda ngayong buwan matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Ayon sa ulat ng BoxingScene, napilitang umatras sa laban kay Emmanuel Rodriguez (19-1, 12 KOs) ng Puerto Rico si Donaire matapos itong magpositibo sa coronavirus.

Imahe mula sa BoxingScene.com

Ang kanilang paghaharap para sa WBC bantamweight title ay nakatakda sana sa Disyembre 19 at gaganapin sa Mohegan Sun Arena  sa Uncasville, Connecticut.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nabago ang laban dahil sa COVID-19. Si Nordine Oubaali ng France ang dapat ay makatutunggali ng Pinoy boxer subalit nagpositibo rin sa coronavirus ang Pranses noong nakaraang buwan.

Kaugnay nito, maaari pa naman umanong matuloy ang laban sa Disyembre 19 subalit posibleng ipalit kay Donaire ang isang Pinoy boxer na si Reymart Gaballo (23-0, 20 KOs) na nakatakda sanang makaharap si Jose Velasquez (28-6-2, 19 KOs) ng Chile sa opening bout.

Wala namang katiyakan kung isa-sanction ng WBC bilang isang bantamweight title fight ang labang Gaballo-Rodriguez kung sakaling matuloy ito.

Si Donaire ay may kasalukuyang record na 40-6, 26 KOs at handang-handa na sana sa kaniyang muling pagbabalik sa ring nitong DIsyembre.

Siya ay huling lumaban noong Nobyembre 2019 sa bantamweight final ng World Boxing Super Series kung saan tinalo siya ng Japanese boxing superstar na si Naoya Inoue via unanimous decision.

Loading…