Nuezca nakiusap sa isang PNP official na tulungan ang kanyang pamilya

Screenshot mula sa PRO3 video
  • Rogue cop na si Senior Master Sergeant Nuezca, nakiusap na tulungan ang kanyang pamilya
  • Ibinahagi ng PRO3 ang video ng pakikipag-usap ni Nuezca kay PRO3 Regional Director Brig. Gen. De Leon at iba pang PNP officials
  • Muling inulit ni Nuezca na sising-sisi siya sa nagawa

Humihingi ng tulong sa isang PNP official si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, ang police officer na sangkot sa insidente sa Tarlac na humakot ng atensyon at galit ng madla, para umano sa kanyang pamilya.

Screenshot mula sa PRO3 video

Ibinahagi ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa Facebook page nito ang video ng pakikipag-usap ni Nuezca kay PRO3 Regional Director Brigadier General Valeriano De Leon at iba pang mga opisyal ng PNP.

Sermon ang inabot ni Nuezca mula kay Brig. Gen. De Leon.

“Sinira mo na ang buong PNP,” sabi ng heneral kay Nuezca.

Humihingi raw ng tulong sa kanya si Nuezca para sa seguridad ng kanyang pamilya at alang-alang na rin daw sa kanyang serbisyo, sabi ni Brig. Gen. De Leon na aminadong nainis sa request ng rogue cop.

“’Yung kaligtasan ng pamilya at saka ‘yung kanyang serbisyo kaya medyo nagalit ako nang kaunting-kaunti lang dahil alam mo ‘yung ginawa niya tapos bibigyan ko raw ng chance? So, kaya sabi ko, paano ako tutulong?” lahad ng PNP official sa isang panayam.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“That is his plead na nagmamakaawa para tulungan. So, it’s a very general statement na tulungan kasi alam naman niyang mapipiit na siya sa kulungan at saka ‘yung sa pamilya niya,” paliwanag ni Brig. Gen. De Leon nang usisain kung ano ang hinihiling ni Nuezca kaugnay ng sinasabing serbisyo nito.

Sa pakikipag-usap sa heneral, muling inulit ni Nuezca na pinagsisisihan niya ang nagawa.

“Nagsisisi po ako sa ginawa ko, sir… laking pagsisisi po. Sana matulungan n’yo ko… para sa pamilya ko na lang, sir,” apela niya sa opisyal.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Si Nuezca ay kasalukuyang nakapiit sa Paniqui Municipal Police Station habang wala pang commitment order mula sa korte upang ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology ang kanyang kustodiya.

Source :

GMA Network, Facebook

Loading…