OFW na lumabas nang 8 seconds sa quarantine room sa Taiwan, pinagmulta ng P170,000

Screenshot mula sa Taiwan News video
  • OFW sa Taiwan pinagmulta ng halos P170,000 dahil sa paglabag sa quarantine regulation
  • Nahuli sa surveillance camera ng quarantine hotel ang paglabag ng Pinoy worker
  • Lumabas sa kanyang silid ang OFW na tumagal lang ng walong segundo

Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan ang pinagmulta ng malaking halaga dahil sa paglabag niya sa quarantine rules na ipinatutupad doon.

Imahe mula sa Kaohsiung city government

Ipinahayag ng Department of Health ng Taiwan na ang isang Pinoy migrant worker ay pinagmulta ng NT$100,000 o katumbas ng halos P170,000 matapos niyang labagin ang quarantine regulation dahil lumabas siya sa kanyang silid sa isang quarantine hotel sa lungsod ng Kaohsiung.

Tumagal lang ng walong segundo ang paglabas sa hotel room ng OFW, na dumating sa Taiwan noong November 13, 2020, upang mag-iwan ng isang bagay sa harap ng pintuan ng silid ng kapwa Pinoy na naka-quarantine din sa nasabing hotel.

Ayon sa Department of Health, ang mga bagong dating na migrant workers ay isinasailalim sa mandatory 14-day quarantine.

Sa isang press conference noong Linggo, December 6, sinabi ng Department of Health na nakita sa surveillance camera ng hotel ang paglabas ng OFW noong November 19, 2020 habang binubuno nito ang 14-day mandatory quarantine.

Screenshot mula sa Taiwan News video

Makikita sa video na naaktuhan ng isang hotel staff ang paglabas ng Pinoy sa kanyang silid.

Sinabi pa ng health department na regular nilang sinisilip ang surveillance footage mula sa mga quarantine hotels. Dapat umanong sumunod ang mga naka-quarantine sa epidemic prevention regulations ng bansa.

Ang multa sa paglabag sa quarantine violation ay mula NT$100,000 hanggang NT$1,000,000 o katumbas ng halos P1.7 million.

Batay sa datos ng Kaohsiung city government, mula November 1 hanggang December 5, 2020, umabot na sa siyam na foreign migrant workers ang lumabag sa quarantine regulations.

Screenshot mula sa Taiwan News video

Loading…