Online man o pisikal na pagdalo sa Simbang Gabi, parehong blessing din ang matatanggap mula sa Diyos

Imahe mula sa Philippines News
  • Dahil sa mga restriksyong ipinatutupad ng pamahalaan ay magsasagawa ang Catholic Church ng virtual Simbang Gabi
  • Mapapanood ito sa TV Maria, ang Catholic TV channel
  • Sinabi ni Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo na ang biyayang matatanggap mula sa Diyos ay pareho lang – online o pisikal na pagsisimba man ang daluhan ng mga mananampalataya

May limitasyon ngayon na ipinatutupad ang pamahalaan sa bilang ng mga taong pinapayagang makapag-Simbang Gabi ngayong may Pandemya upang maiwasan ang posibleng transmisyon ng COVID-19.

Imahe mula sa China News Service

Dahil sa limitasyong iyon ay tiyak na  marami ang hindi makadadalo sa taunang Misa de Gallo sa mga simbahang Katoliko na magsisimula sa December 16 at matatapos sa December 24, ang bisperas ng pasko. Ito ay kahit pinaiksi na ng mga local government units ang ipinaiiral na curfew hours upang bigyang daan ang tradisyunal na Simbang Gabi.

Kabilang sa hindi pinapayagang dumalo sa Simbang Gabi ay ang mga kabataang menor de edad at ang mga matatandang lampas sa 65 ang edad.

Upang makadalo sila, pati na ang mga may sakit, ay magsasagawa ng virtual Simbang Gabi ang Catholic Church. Eere ito sa TV Maria Catholic television channel 4:30 ng madaling araw sa first day ng Misa De Gallo at 5:30 ng umaga sa susunod na walong araw.

Sinabi ni Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo na ang biyayang matatanggap mula sa Diyos ay pareho lang – online o pisikal na pagsisimba man ang daluhan ng mga mananampalataya. Tanging ang komunyon, na mahalagang bahagi ng misa, lang ang hindi matatanggap ng dadalo sa virtual Simbang Gabi.

Imahe mula sa PNA

“Kung biyaya na matatanggap, ang grasya ng Diyos, ang kanilang debosyon ay pareho pa rin. Ang ‘di lang matatanggap, ‘yung banal na komunyon na mahalagang bahagi ng misa,” wika ni Bishop Pabillo.

“Gumagawa sila ng Simbang Gabi bilang sakripisyo…Kaya ‘yan, okay lang naman ‘yan. Kung ang ating dahilan ay ang Panginoon, naiintindihan ng Panginoon ang ating sitwasyon. Naiintindihan ng Panginoon ang ating intensiyon na lumapit sa kanya, na mag-offer ng sacrifice sa kanya. Alam ng Panginoon ‘yan,” paliwanag pa ng obispo.

Imahe mula sa Archdiocesan Shrine of the Immaculate Heart of Mary ng Minglanilla, Cebu

Sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine ay hanggang 30% lang ng kapasidad ng simbahan ang papayagan, samantalang hanggang 50% ang mga nasa modified general community quarantine.

Source :

ABS-CBN, Philstar

Loading…