Online merchant na YST Express sisilipin ng DTI dahil sa reklamo ng mga buyers

Screenshot mula sa YT video ng GMA News
  • Sisiyasatin ng DTI ang online seller na YST Express dahil sa mga reklamo ng buyers
  • Mali-mali raw ang mga items na nai-deliver sa mga bumili mula sa YST Express
  • Itinanggi rin ng Ninja Van na may kinalaman sila sa gawain ng nasabing online merchant

Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isang online seller dahil sa reklamo ng ilang buyers na nakabili ng produkto sa kanila.

Base sa ulat ng GMA News, karamihan sa mga reklamo laban sa YST Express ay mali-maling items na nai-deliver. Ang iba naman ay nagtataka dahil may mga dumating na delivery mula sa nabanggit na seller gayung wala naman silang order.

Screenshot mula sa Facebook

Sa panayam kay Director Ronnel Abrenica, ng Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI, may mga natanggap na umano silang reklamo kontra YST Express at sinisilip na nila ito ngayon.

“As to YST, meron na tayong iilang reklamong natanggap laban po sa kanila. Common po rito is ‘yung iba ‘yung nai-deliver kumpara ‘dun sa in-order nila, and mayroon din pong reklamo doon na tumanggap, wala naman daw po silang in-order, pero may nai-deliver sa kanila,” wika ni Abrenica.

Screenshot mula sa Facebook

Mayroon lang umano silang hinihingi sa mga complainants para tuluyang matugunan ang mga reklamo. Ayon pa kay Abrenica, walang nakarehistrong YST Express sa system nila.

Kuwento naman ng mga buyer nadiskubre nila ang YST Express sa pamamagitan ng mga ads sa Facebook bagama’t wala namang makitang Facebook page ang nasabing merchant.

Subalit may ilang post ang mga netizens sa Facebook na nagrereklamo rin laban sa YST Express.

Imahe mula sa Facebook ng Ninja Van

Kaugnay nito, itinanggi rin ng Ninja Van na may kinalaman sila sa mga reklamong natanggap laban sa YST Express. Ang Ninja Van ang courier na nagde-deliver ng items na binili ng mga buyer sa seller.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Ninja Van sa mga kustomer para sa refund at naglunsad na rin sila ng sariling imbestigasyon tungkol dito.

Loading…