Oso hinarap ng lalaki upang iligtas ang alagang pit bull na itinuturing na anak

Imahe mula sa Facebook account ni Kaleb Benham
  • Iniligtas ng isang lalaki sa California ang alagang pit bull mula sa isang malaking oso
  • Paulit-ulit niyang binigwasan sa mukha ang oso hanggang sa bitiwan nito ang alaga niyang aso na itinuturing niyang anak
  • Nagpabalik-balik pa ang oso na tila gustong bawiin ang pagkaing inagaw sa kanya

Iniligtas ng isang lalaki mula sa California ang alaga niyang pit bull sa tiyak na kapahamakan mula sa mga pangil ng isang oso na tumitimbang ng 350 pounds.

Imahe mula sa Facebook account ni Kaleb Benham

Nasa loob ng kanyang bahay si Kaleb Benham sa Grass Valley, California isang araw bago ang Thanksgiving Day nang makarinig umano siya ng kakaibang ingay na nagmumula sa lugar kung saan naglalaro si “Buddy”, ang kanyang pit bull.

Na-shock siya nang makitang sakmal ng oso ang ulo ni Buddy habang hinihila ito palayo.

“I heard a growl, looked about 75–100 feet down, and the bear was dragging him by his head, had his head in his mouth,” kuwento ni Benham.

Isa lang daw ang pumasok sa isipan niya nang makita ang nangyayari – ang iligtas ang kanyang “baby.”

“Honestly the only thing I could think of was ‘save my baby,’” aniya.

Hinabol niya ang oso at hinawakan sa bahaging leeg at paulit-ulit na binigwasan sa mukha hanggang sa pakawalan nito ang aso.

Imahe mula sa Facebook account ni Kaleb Benham

“I just ran down there, plowed into the bear, tackled it and grabbed it by the throat and started hitting it in the face and the eye until it let go,” sabi pa ni Benham, na grabeng nag-alala dahil sa mga sugat na tinamo ng alaga.

Nanlumo siya nang sarado ang unang veterinary clinic na pinagdalhan niya kay Buddy nang gabing iyon. Mabuti na lang at isang animal hospital ang nakita niyang nakabukas pa na agad naglapat ng lunas sa aso. Halos apat na oras umano inabot ang operasyon sa kanyang alaga.

Ginugol ng dalawa ang Thanksgiving Day sa bahay. Ilang ulit din umanong nagpabalik-balik ang oso doon na tila gustong bawiin ang pagkaing inagaw sa kanya.

Screenshot mula sa video ni Anna Giles

Hindi umano pinagsisihan ni Benham ang ginawa sa oso dahil kahit sino raw ay ganoon ang gagawin kapag nalagay sa peligro ang “anak.”

Aniya, kung ang anak mo ang nasa panganib, ano bang gagawin mo? Kahit buhay niya umano ay iaalay niya para sa kanyang mahal na aso.

Loading…