Paalala mula sa healthcare professionals: Hindi pa ito ang panahon para maging kampante

Screenshot mula sa video ng HPAAC
  • Nagbigay ng mga paalala sa publiko ang Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19
  • Huwag na raw sanang maulit ang nangyari noong Agosto na umapaw sa pasyente ang mga pagamutan
  • Sinabi ng grupo na hindi ito ang tamang panahon para maging kampante

Habang patuloy ang pananalasa ng salot na novel coronavirus sa bansa, umapela ang mga healthcare workers sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols upang hindi na magkaroon ng panibagong pagdami ng kaso ng COVID-19.

Screenshot mula sa video ng HPAAC

Sa pamamagitan ng isang video na ibinahagi sa social media, pinaalalahanan ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) na kinabibilangan ng mga doktor, nurse at iba pang health workers ang publiko sa mga panganib na dala ng paglabas ng tahanan.

Kung hindi rin lang umano importante ang lakad ay huwag nang lumabas. Marami na raw kasi ang lumalabas ng bahay at bumabalik sa dating nakagawian.

Ipinaalala nila na may COVID-19 pa rin. Hindi pa raw ito ang tamang panahon para maging kampante ang lahat.

“Hindi pa ito ang panahon para maging kampante. May COVID-19 pa rin, mayroon pa ring nagkakasakit, mayroon pa ring namamatay dahil dito,” mensahe ng grupo sa video.

Ayaw na raw nilang maulit ang nangyari noong Agosto na umapaw sa dami ng mga pasyente ang mga pagamutan, na dahil sa rami ng mga COVID-19 patients ay hindi na maasikaso ang iba pang may  sakit.

Screenshot mula sa video ng HPAAC

Wala umano silang ibang hangad kundi pagalingin ang bayan. Gusto nilang handa sila kung kakailanganin  ang kanilang serbisyo.

Malaki raw ang maitutulong ng bawat isa sa atin para bumaba ang bilang ng mga isinusugod sa ospital. Nasa ating mga kamay daw ang pinakamahalagang lunas sa COVID-19 transmission.

Ayon sa HPAAC, ilang bagay ang dapat na tandaan para makaiwas sa COVID-19 tulad ng tamang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, physical distancing, siguruhing maayos ang bentilasyon kapag dadalo sa pagtitipon na mas mainam kung outdoors gagawin.

Screenshot mula sa video ng HPAAC

Kung indoors naman ang gatherings, dapat nakabukas ang mga bintana at ang electric fan. Dapat ding limitahan sa 30 minutes ang interaksyon sa bawat isa.

Dapat daw gawin ito ng lahat para magkaroon tayo ng isang maligayang Pasko.

Imahe mula sa HPAAC

Loading…