Pacman wala pang plano sa pulitika: ‘Politics is not on my mind right now’

imahe mula sa report.world
  • Wala pa raw plano sa pulitika si Senador Manny Pacquiao
  • Pagtulong muna sa tao ang kaniyang pinagkakaabalahan ngayon
  • Nitong Huwebes ay nagdiwang ang Pambansang Kamao ng kaniyang ika-42 kaarawan

Pagtulong sa kapwa at pagkaisahin ang mga tao; iyan muna ang pinagkakaabalahan ngayon ni Senador Manny Pacquiao sa gitna ng usap-usapang tatakbo siyang pangulo ng bansa sa susunod na halalan.

Paglilinaw ng boxer-politician nang tanungin sa araw ng kaniyang kaarawan nitong Huwebes, Disyembre 17, wala pa siyang plano sa pulitika at malayo pa ito sa isip niya ngayon.

Imahe mula sa Facebook | Manny Pacquiao

“Politics is not on my mind right now because people are suffering, starving, and we need to be united and think about what help we can extend to them,” ayon sa kaisa-isang eight division titlist sa boxing.

Nitong taong kasalukuyan ay hindi masyadong naghanda ang mambababatas; hindi katulad ng mga nagdaang taon. Subalit hindi pa rin nakakalimutan ni Manny na mamahagi ng tulong sa kaniyang mga kababayan sa General Santos City at Sarangani.

“Lagi tayong namimigay dahil ‘yan ay symbol of thanksgiving celebration, na umabot tayo sa ganitong edad. At saka, lahat ng blessings na ibinigay ng Panginoon sa atin, ishine-share din natin sa kapwa,” tugon ng senador nang tanungin ni Dyan Castillejo tungkol dito.

Tiniyak din ni Pacman na malakas pa rin siya sa edad na 42 at katunayan ay plano niyang magbalik sa ring upang muling lumaban at posible itong mangyari sa susunod na taon.

Screenshot mula sa Instagram ni Jinkee Pacquiao

Para naman sa kaniyang birthday wish, aniya, “My prayer is always good health and a prosperous country and peace.”

Matagal na ang ugong-ugong tungkol sa ambisyon ng Pambansang Kamao na maupo sa Malakanyang at una itong isiniwalat ng kaniyang promoter na si Bob Arum noong nakaraang taon bagama’t pinabulaanan ito ni Pacquiao.

Sa pagsisimula nitong buwan ay nanumpa si Manny bilang bagong pangulo ng PDP-Laban, ang partido niya at ni Pangulong Rodrigo Duterte. Marami ang naniniwala na ito na ang pinakaunang hakbang sa political ambition ng Pinoy boxing icon.

Loading…