Palasyo nalulungkot para sa mga Pinoy na nagsabing sila’y mahirap

Imahe mula sa abc.net.au
  • Nalungkot ang Palasyo sa resulta ng survey kung saan halos kalahati ng mga Pinoy ang nagsabing ‘mahirap’ sila
  • Ito raw kasi ang epekto ng umiiral na pandemya sa bansa
  • Tiniyak naman ng Palasyo na bubuti na ang kabuhayan ng mga Pinoy sa susunod na taon kapag mayroon nang bakuna

Nakalulungkot para sa Palasyo ang lumabas na resulta ng survey kung saan halos kalahati ng mga Pilipino ay nagsasabing sila’y mahirap.

Lumabas kasi sa face-to-face survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Nobyembre 21 hanggang 25 na 48 porsiyento sa kanilang tinanong ang nagsabing sila’y ‘mahirap’, habang 36 porsiyento ang ‘borderline poor’ at 16 porsiyento lamang ang nagsabing ‘not poor’.

Imahe mula sa PCOO

“Well, nakakalungkot po talaga iyan at ‘yan ay epekto ng patuloy na lockdown natin at quarantine dahil nga po sa pandemya,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa ginanap na press briefing nitong Martes.

Nangako rin si Roque na magbabalik na sa normal ang kabuhayan ng mga Pilipino sa susunod na taon kapag available na ang bakuna.

“Ang Christmas gift na lang po na maibibigay natin sa lahat ay yung pag-asa na matatapos na nga po itong pandemyang ito dahil nandiyan na ang bakuna,” wika ni Roque.

Tiniyak din ng Palasyo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para maipamigay nang libre ang bakuna sa karamihan habang ang iba naman ay siguradong makakakuha nito.

Imahe mula sa The Global Foodbanking Network

“Ginagawa natin ang lahat para maibigay ang mga bakuna sa mga Pilipino kahit na ano pang halagang ‘yan at dahil alam natin na ito lang po ang tunay na solusyon sa pandemiyang ito. Matapos po ang pandemya lahat po tayo makakabalik na po tayo sa ating mga hanapbuhay at bababa po yung kahirapan,” pagtitiyak ng tagapagsalita ng Palasyo.

Nauna nang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na posibleng lumala pa umano ang poverty incidence sa bansa sa susunod na taon bilang epekto ng COVID-19 pandemic.

Source :

PNA, GMA News, Remate

Loading…