Palasyo tiniyak na ‘di poprotektahan ng Pangulo si Senior Master Sergeant Nuezca

Screenshot mula sa PTV-4 YT video
  • Tiniyak ng Malakanyang na hindi poprotektahan ni Pangulong Duterte si Nuezca
  • Dapat daw itong managot at parusahan dahil sa kaniyang ginawa
  • ‘Isolated case’ lang umano ang nangyari at hindi lahat ng opisyal ay katulad ni Nuezca

Sisiguruhin ng Malakanyang na mananagot sa kaniyang nagawa si P/Sr. Master Sargeant Jonel Nuezca na siyang responsable sa pagkasawi ng mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi poprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang akusadong pulis at kailangan itong maparusahan dahil wala namang kinalaman ang insidente sa pagganap sa kaniyang tungkulin.

Imahe mula sa PCOO

“Bakit ho poprotektahan ni Presidente ‘yan, hindi naman po ‘yan service-related. Iyan po ay pribadong bagay. Nagkataon lang pulis siya pero kinakailangan siyang managot,” wika ni Roque sa online press briefing nitong Lunes.

Tatratuhin rin ang nangyari bilang isang kaso ng pagkitil ng buhay at ito ay iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at paparusahan ang pulis, ‘no ifs, no buts’, giit pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Itinanggi rin ni Roque na may kinalaman ang mga naunang pahayag ng Pangulo sa mga pang-aabusong ginagawa ng mga naka-uniporme.

Ang nangyari raw sa Tarlac ay isang ‘isolated case’ at hindi naman buong kapulisan ay katulad ng inaasal ni Nuezca.

“Isang bugok lang po iyang pulis na iyan. Hindi naman po lahat ng pulis ay gaya niya,” pahayag pa ni Roque.

Screenshot mula sa PTV-4 YT video

Umani ng batikos sa publiko ang ginawa ni Nuezca kina Sonya Gregorio, 52 anyos, at anak nito na si Frank, 25 anyos, sa gitna ng kanilang away na nangyari mismo sa bahay ng mag-ina.

Nakunan sa video ang pangyayari at agad itong kumalat sa social media na ikinabahala ng karamihan.

Itinuturong away sa lupa ang dahilan ng mainit na pagtatalo ng dalawang panig na nagsimula lang umano sa pagsita ni Nuezca sa maingay na ‘boga’.

Sumuko na sa awtoridad si Nuezca at patuloy pang iniimbestigahan ang nakababahalang pangyayari.

Loading…