Pamasko ng online shopper sa mga delivery riders kinalugdan

  • Namigay ng pamasko ang isang online shoppers sa mga delivery riders
  • Dahil dito, nabigyang-inspirasyon tuloy ang iba at tinularan siya
  • Simpleng handog lamang daw ito sa mga delivery riders na maituturing ding frontliners sa panahon ng pandemya

Ang pamimigay ng pamasko ay isa sa mga tradisyong hindi na mawawala sa mga Pilipino, harangan man ito ng pandemya. Nakasanayan at nakaugalian na nating mamahagi ng kahit na anomang maibibigay na regalo, maliit man o malaking halaga, para sa mga taong nagkaroon ng malaking parte sa ating buhay, kaanak man, kaibigan, kakilala, kapitbahay, o maging ang mga delivery riders na malaki ang kaginhawaang naidudulot sa mga online shoppers.

Kaya naman, kinalugdan ng mga netizens ang naisipang pamasko ng isang certified online shopper  na si Marlon Perez para sa delivery riders.

Imahe mula sa Facebook account ni Marlon Perez / Public Domain Image

“Binigyan ko po sila kasi regular customer na po ako ng mga online shop and madalas sila ang nagde-deliver. Saludo po ako sa efforts nila na mag-deliver kahit may pandemic,” turan ni Perez.

“Sa maliit na bagay gusto ko silang mapasaya kahit papaano. Natuwa rin po ako sa mga comment after ko i-post kasi may iba rin po na nagbigay tulad ko at mayroon ding ibang na-inspire,” pagbabahagi niya.

Sa isa pa niyang Facebook post na may hashtag na “#GoodVibesOnly”, binati niya ang mga delivery riders na gusto niyang bigyan ng simpleng handog.

“Gusto ko lang naman magbigay ng simpleng handog sa kanila. Mabuhay po kayo mga Shopee and Lazada riders and advance Merry Christmas po pala to everyone!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kudos to you! Not only during Christmas, I always give more than what is due. Kaunting extra from each delivery rider will be substantial at the end of the day,” sabi ng isa.

Turan naman, “Actually talagang grateful tayo sa mga delivery riders na para sa akin ay matatawag na frontliners. Napaka-convenient po ng serbisyo ninyo, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya. They are also risking their health para sa simpleng padeliver natin, para naman din sa pamilya nila.”

Imahe mula sa Facebook account ni Marlon Perez / Public Domain Image

“Maraming salamat sir sa malasakit mo sa mga delivery riders kagaya ng asawa ko. Malaging bagay na po na naaapreciate ang mga riders,” pahayag naman ng isa.

Nanawagan din ang mga netizens na tigilan na ang “prank” o panloloko sa mga delivery riders sa pamamagitan ng pag-order sa kanila, pagkatapos ay hindi naman pala kukunin o ikakansela lamang. Hindi umano ito nakatutuwa dahil naghahanapbuhay rin sila, at sariling pera nila ang nasasayang dahil sa mga kalokohang ito.

Source :

Facebook, News5

Loading…