Pangulong Duterte napagtanto na ang kahalagahan ng “swabbing”

  • Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III na gawing prayoridad ang swabbing o mass testing para sa COVID-19
  • Napagtanto na raw niya ngayon ang kahalagahan nito kaya binigyan niya nang go signal si Duque na palawigin pa ang paggamit ng pondo ng pamahalaan para dito
  • Ang isang swab test ay maaaring magkahalaga ng 3,800 hanggang 5,000 piso 

Sinabi mismo ni Pangulong Duterte na napagtanto na niya ang kahalagahan ng swabiing sa mga suspected COVID-19 patients, matapos ang halos siyam na buwang lockdowns sa Pilipinas dulot ng pandemya.

“Alam mo ang importante pala, sa totoo lang, and I realize now, it is the testing–yung swabbing,” pahayag ng pangulo sa kaniyang late night address to the nation noong Lunes, Disyembre 7, 2020.

Public Domain Image

Dagdag pa niya, “Kasi mahal, I’m trying to figure out a cheaper way of doing it and I will discuss it with the secretary of health and Gen. Galvez.”

Matatandaang nagmula na mismo sa World Health Organization o WHO na magiging epektibo ang swab testing upang masugpo na ang pagkalat ng pandemya. Malalaman kasi kaagad kung sino-sino ang mga sintomatiko at asintomatiko upang masawata na ang posibleng hawahan.

Agad namang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Duterte ang halaga ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR testing para sa COVID-19 na maaaring magkaiba-iba sa pagitan ng privately-licensed and public laboratories.

Agad na inatasan siya ng pangulo na gamitin ang pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 testing program.

“So is there a way that we can spend for all of this testing? Makabili tayo, makamura tayo, kung may pera pa maghanap tayo so that it is actually to me the sacred duty of government to protect its citizens,” sabi ng pangulo.

Public Domain Image

Sa kabila ng pag-amin ng pangulo na huli na lamang niyang napagtanto ang silbi ng mass testing para sa COVID-19, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa una pa lamang ay prayoridad na ito ng pamahalaan.

“Sa mula’t mula po ang ating prayoridad ay i-improve ang ating testing capacity kaya po tayo ngayon ay isa sa pinakamataas na testing capacity sa buong Asia,” saad ni Roque sa regular press briefing noong Martes Disyembre 8, 2020.

Dagdag pa niya: “We’ve always given priority to testing, nariyan si Vince Dizon as testing czar and we now have one of the highest testing capacities in the whole world.”

Ang isang RT-PCR tests mula sa private laboratories ay nagkakahalagang 4,500 hanggang 5,000 samantalang sa mga public laboratories naman ay 3,800.

Loading…