Pangulong Duterte umuwi na sa Davao City para doon ipagdiwang ang Pasko

Screenshot mula sa RTVM Facebook video
  • Umuwi na si Pangulong Duterte sa Davao City nitong nakaraang weekend
  • Doon niya ipagdiriwang ang Pasko kapiling ang kaniyang pamilya
  • Hindi pa tiyak kung kailan ang balik ni Duterte sa Maynila at kung doon pa rin nito ipagdiriwang ang Bagong Taon

Umuwi na nitong weekend sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte para doon ipagdiwang ang Pasko kapiling ang kaniyang pamilya.

Kinumpirma ito mismo ng Pangulo sa kaniyang pinakahuling televised public address nitong Lunes nang gabi, Disyembre 21.

“Mga kababayan ko malapit na ang Pasko kaya ako naman nandito sa Davao because alam ninyo na taga-Davao ako at dito ‘yung pamilya ko,” wika ng Pangulo.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“Tradisyon naman sa Pilipino ‘yan o sa lahat na you have to be with your family — birthdays, mga events sa buhay ng tao na may significance sa family,” dagdag na pahayag ni Duterte.

Dahil nasa Davao ngayon ang presidente, posibleng doon na rin niya lagdaan ang P4.5-T national budget para sa taong 2021.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, limang kongresista at limang senador ang maaaring lumipad patungong Davao City para saksihan ang naturang budget signing sa Disyembre 28.

Hindi naman sigurado pa kung kailan ang balik ni Pangulong Duterte sa Maynila at kung doon na rin ito magdiriwang ng Bagong Taon.

“Ang Pasko po sigurado (sa Davao City). Pero hindi ko pa po alam ang Bagong Taon,” ani Roque.

Pasko 2018| Imahe mula sa Facebook ni Rep. Paolo Duterte

Samantala, muling nakiusap ng presidente sa mga mamamayan na maging maingat sa kanilang pagdiriwang lalo pa’t muling tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Itong COVID, maghintay lang kayo. I said that there’s — ilang Pasko kayo naga-celebrate. Ngayon, isang Pasko lang hinihingi ng — hiningi ko in behalf of the nation because walang magandang lalaki dito ‘pag may COVID ka, may sakit ka,” pakiusap ng Pangulo.

Taon-taon ay ipinagdiriwang ni Pangulong Duterte ang Kapaskuhan sa kaniyang lungsod na pinagmulan at tila hindi ito mababago ngayong taon.

Loading…